Monday, May 16, 2011

Ako na ang bitter

Monday, May 16, 2011
Heto na naman ako. Nakatunganga sa maliit na monitor. Nag iisip ng masusulat. May naisip ako isulat kagabi tungkol sa boxing, pero dahil kahit ako e inaantok sa sinusulat ko, hindi ko na tinuloy. Erase. Erase. Erase.

Minsan nga naiisip ko kung bakit ba ako naging ganito katamad. May mga bagay akong nagagawa, pero hindi to the point na halos lahat e maiimpress ko. Hindi kasi ako yung tipo na mabait. Hindi ako yung tipong masipag. Hindi ako yung tipo na laging nagtataas ng kamay tuwing recitation. In short isa akong pako. Isang malaking pako.

Minsan nga naiisip kong wag na lang umuwi sa bahay. Kapag kasi nasa bahay ako, feeling ko wala akong kwenta. Sabi nga daw, border lang ako. Isipin mo yun? Sa mismong sarili bahay, sariling pamilya, ang tingin sa yo e border lang? Hindi ko naman sila masisi kasi nga lagi lang akong nakatapat sa monitor. Kapag mejo tinatamad na ay matutulog. Pagdating ng hapon pag nagbabalak nang magtago si araw, lalabas na ko. Yan ang daily routine ko. Gumising - Kumain - Magcomputer - Matulog - Gumising - Kumain - Matulog - Gumising - Labas - Inom - Matulog - Gumising. Parang napakabusy ng araw ko no?

Kasi nga naman, isa akong pako. Sana man lang e pukpukin ako ng magkasilbi naman. Pano ba ko kikilos kung natutulog pa ko? Pano ko ba malalaman kung anong gagawin kung walang magsasabi. Hindi ba border nga lang ako? Sana man lang e sabihan ako na " Hoy, gising na. Baka gusto mo itry mag gupit ng damo. Masaya daw yun." Hindi naman lahat e katulad nyo na masipag. Kapag hindi ka nakagawa ng kahit ano sa maghapon, magiging invisible man ka na parang wala silang nakikita. Sa huli, ako pa ang lalabas na nagmamataas at nagmamatigas. Ako pa ang masama at walang kwentang tao. Yan ang natatak sa isip ko simula bata pa ko.

Yeah. Yeah. Bago pa kayo magreact, alam kong walang tama sa mga sinabi ko sa taas. Random hinagpis lang yan. Nakakalungkot lang kasi isipin na para nga lang akong border. Kelan ko nga ba huling naramdaman na naging proud sa kin ang mga tao sa paligid ko? Kelan ko nga ba huling naramdaman na sinusuportahan ako sa mga desisyon ko? Alam kong may mga times na oo pero mas lamang kasi ang hindi kaya wala ako maalala. Masusunod ang mga desisyon ko pero alam kong puro nakakunot ang noo at naglalabasan ang mga varicose veins sa binti. Ni hindi nga nila alam ang gusto ko, ang hilig ko, ang kagustuhan kong magsulat. Ni hindi nga nila alam na ako pala si Malungkutin.

Hindi ako matalino. Hindi ako gwapo. Lalong hindi rin malakas karisma ko. Pinagsakluban nga ata talaga ako ng langit at lupa. Hindi ako yung tipong magiging paborito lalo na kung may choice. Kahit nga siguro ako na lang ang option, mag ka-call a friend pa sila. Siguro nga kaya sila ganun ay dahil nadisappoint ko sila ng maraming maraming beses. Kaya ayan, kahit siguro manghingi lang ng pamasahe e pag iisipan pa ng masama.

Akala ko, pag paulit ulit mong mararanasan ang isang bagay, masasanay ka at magiging immune. Bakit naman ang lintik na ako e hindi pa rin makamove on? Katakot takot na hiya at pagdodown sa sarili ang nararanasan ko araw araw. Minsan nga gusto ko laging may mga pagtitipon, outing reunions... kasi parang nagbabalik lahat sa dati na parang importante ka. Pero makaraan lang ang ilang araw, balik na naman sa dati. Kalorkey haha.

Kapag gumagawa ako ng paraan para magkalapit lapit, hindi ko ba alam bakit laging hindi natutuloy. Mag iipon ako para mailabas sila pero pagdating ng mismong araw, aba may lakad. Nakakalungkot isipin na bakit nga ba mag eeffort pa ko e wala rin namang silbi. Bakit kelangan mong subukan na magbago e simula pa lang wala na silang tiwala sa yo. Kesa naman nga makipagaway pa ko, mas pinipili kong magkulong na lang sa kwarto. Atlis kahit pano, sa loob ng apat na sulok ng kwarto na to, nagagawa kong maging boss ng sarili kong lugar. Nagagawa kong magsulat. Nagagawa kong tumawa, umiyak, magalit ng walang sino mang manghuhusga. Sa loob ng kwartong to, nabubuhay ang mga pangarap na hindi ko kayang gawin sa labas. Dito ako ang bida. Ako ang center of attraction. Ako ang pinakamaaasahan. Saksi ang kwarto ko sa lahat ng saya, sakit, luha at kung ano ano pang pakiramdam na maaari kong maramdaman. Mabuti pa ang kwartong to. Alam nya lahat tungkol sa kin. Alam nya kung gano kahirap ang pinagdadaanan ko.

Pero ok na rin yun. Wala naman din akong magagawa. Andito na tayo e. Ganito na siguro ang guhit ng palad ko. Masaya na kong nakakapagsulat ulit. Masaya na ko na kahit papano naman, meron din pala akong ibang alam gawin bukod sa kumain at matulog. Siguro ilang panahon pa kelangan ko para ganap kong matanggap na isa lang akong hangin na hindi na dapat pinapansin. Kelangan kong tanggapin na ako si Malungkutin - sa isip, sa salita, at sa gawa

9 comments

Monday, May 2, 2011

Breakups part 2

Monday, May 2, 2011
Gaano ba kasakit ang breakups? Katulad din ba to ng mga pagkabasted na parang dinadaanan ng pison ang puso mo? Eto ba ung point ng relasyon nyo na pilit kang naghahanap ng kanta na babagay sa pakikipag break sabay iiyak habang kinakanta ito? Buti nga di pa applicable dito yung karaniwang sinasabi ng matatanda na di ito tulad ng mainit na kanin na pag sinubo at napaso e pede mo isuka. Isuka talaga ang term. Hehehe.

Ang paghihiwalay ay karaniwang desisyon ng parehong kampo. Kumbaga sa gera e sabay nagtaas ng puting bandera habang sinasabing "Tama na! Suko na ako!" Karaniwan kasing hindi magkasundo sa maraming bagay kaya nauuwi sa hiwalayan. Di mo naman masisisi ang dalawa kasi nga masaya naman ang umpisa. Kaya lang nga, habang tumatagal, mas lalo nyo nakikilala ang isa't isa at dito na mararamdaman ang pagkayamot sa kapartner nyo. Dito na lalabas yung mga natatagong baho at kung ano ano pang skin diseases at mag eend up nga ng hiwalayan. Hindi compatible e, di rin naman pedeng ipilit.

Meron din namang one-sided ang break ups. Ito yung mga tipong katulad ng nasulat ko sa unang Breakups na kwento na nagsasabing "it's not you. It's me." Ano nga ba magagawa mo kung talagang ayaw na nung isa sa yo. Buti kung katulad ko kayong lahat - tanga, bobo, uto uto. Pero hindi. Hindi naman lahat malungkutin na tulad ko. Mapapakanta ka na lang ng Hurting Inside ng FOJ dahil nga, syempre, masakit. Mas doble ang sakit nito sa isa kasi ayaw mo pa e. Gusto mo pa magwork out yung relasyon pero wala. Para ka lang tanga na pilit ng pilit sa isang bagay na wala nang saysay.

Naisip ko nga bigla, kaya siguro naimbento ang mga monthsaries kasi sa panahong ito, bihira na lang talaga ang nakakaabot at nakakapagcelebrate ng anniversaries. Para kasing ang hirap na maghanap ng talagang kamatch mo. Buti sana kung lahat e parang yung sa commercial nung Nestle 100 years na simula pagkabata hanggang pagtanda e magkasama sila. Minsan nga naiisip ko pang kwentong barbero na lang yun. Minsan nga mas ok pang mahalin mo na lang barbero mo kasi makikinig un sa lahat ng sasabihin mo. Hindi yan kokontra sa yo basta lagi ka lang magpapagupit sa kanya.

Minsan may nakilala akong lalake. Lagi silang magkaaway ng jowa nya. Pero lamang itong si lalake. Alam nya kasing di sya kayang iwan nung babae. Kaya malakas loob nito maghamon ng hiwalayan kasi alam nyang di kaya nung babae. Nagulat na lang ako isang araw nabalitaan ko na lang na patay na pala yung lalake. Rason? Nagbigti kasi di kinaya nung nakipagbreak na sa kanya ng tuluyan yung babae. Ironic? Very very ironic.

Masakit talaga ang breakup. Ilan lang talaga ang matibay ang dibdib o makapal ang mukha na hindi tinatablan. Biruin mo, magpupuhunan ka ng sangkaterbang emosyon at pagmamahal pero sa huli malulugi ka lang at mapipilitan kang magsara... magsara ng puso. Hindi ko alam kung pano nakakamove on pero sabi nga nila, time heals all wounds. ang problema lang dito hindi mo masasabi kung kelan dadating yung time na yun. Minsan ilang araw lang. Minsan ilang linggo. Minsan buwan... taon.... siglo. Hindi mo malalaman kung kelan mo masasabi na "Ok na ko." Hindi mo malalaman na handa ka na palang umabante sa buhay at kalimutan na kung ano mang sakit ang naranasan mo sa nakaraan. Time heals all wounds daw... pero Time din ang nakakasira ng bait ng isang tao.

Buti na lang si Malungkutin ay isang matatag na tao. E pano ba, wala namang makikipagbreak sa kin kasi nga wala pa namang sumasagot sa kin.

Eto ang pinakaironic na bagay. Eto rin ang pinakamasakit. Huhuhu sad.

2 comments