I did. Naks.
Hindi ko nga maintindihan kung bakit ako naiistress. Happy-go-lucky naman ako. Wala akong pakialam sa ibang tao basta wag lang din akong pakikialaman. Minsan nga, tinawag akong kabayo kasi nga naman daw, pag naglalakad ako e diretso lang ang tingin na parang may takip ang mga gilid ng mga mata. Op kors nasisira lang ang concentration pag may bebot nang nakasalubong. Para akong sa exorcist na umiikot ang ulo kakahabol ng tingin.
Eniweys, nakakainis mastress. Papasok ka sa umaga, di ka pa man nakakaupo e katakot takot nang sakit ng ulo ang makukuha mo. May mga katrabahong maiingay... may mga katrabahong kalikot ng kalikot.. meron ding ikot ng ikot. Ang nakakainis pa e yung mga tipong napakakukulit na kala mo e mga grade 1 lang at tuwang tuwa sa paglalaro. Nak ng teteng, alas 7 pa lang ng umaga, nasisira na agad ang araw mo. Minsan nga e gusto ko hagisin ng mug sa bunganga. Naisip ko lang e sa hirap ng buhay ngayon, dadagdag pa sa gastusin ang pagpapabunot sa mga nasirang ngipin dahil sa binato kong mug.
Isang araw naisipan kong magdala ng ipod. Sosyal. Pag upo ko pa lang ay nakasalpak na sa mga tenga ko ang mamahaling headset ko. Olrayt, may padrums drums pa ko sa hangin habang pinapakinggan ang Awit ng Kabataan with matching papikit pikit pa. Pagmulat ng mata ko napansin ko na parang lahat sila e tahimik at nakatingin lahat sa kin. Bakit wala na kayong maburyong na tao kaya lahat kayo natahimik? Naisip ko na tagumpay ito para laban sa mga kampon ni shalala. Napatingin ako sa isa kong katrabaho. Ngumunguso sya sa likod ko. Pagtingin ko sa likod e bigla akong napatalon sa upuan ko. Ampota may dragoooooonnnn!!!!! Mga 10 segundo ko narealize na boss ko pala ang nakita ko at galit na galit na dahil kanina pa pala nya ko tinatawag. Katakot takot na mura ang inabot ko. Akala ko pa naman e makakatanggal stress ang pakikinig ng music habang nagtatrabaho. Yun pala, mas madodoble lang ang stress na mararanasan ko. Simula nun, pinagbawal na ang pagsusuot ng headset sa trabaho.
Sa hapon, jan mo mararanasan ang tugatog ng stress. Sa mga ganitong oras kasi papasok ang mga deadlines, last minute meetings, revisions... lahat ng pedeng gumulo sa magulo mo nang utak, anjan lahat. Ang sakit sa ulo na nagkukumahog kang matapos ang isang bagay e itatapon lang sa mukha mo at sisigaw na "DO IT AGAIN!!!!". Dito lumakas pa lalo ang paninigarilyo ko. Maya't maya ako nagyoyosi. Nakakatanggal daw kasi ng stress yun pero bakit parang masakit na ata ang baga ko e lalo pa ata ako nasstress???
Sa wakas tapos na ang araw mo. Sa wakas, makakapagpahinga ka na at matatanggal ang stress sa araw na ito. Pero pag akyat ko ng MRT... lintik na iyan. Daig pa ang Ligo sardines sa dami ng tao. Grabe. Yung ugat ko noo e naglalabasan dahil sa pagkayamot. Ok lang sana na siksikan e. Ang di kasi maganda sa ganyan e ang halo halong amoy na malalanghap mo pag nakipagsiksikan ka. Minsan matatyambahan ka pa ng mga ulupong na mandurukot at yung payslip na pambigay sana ke misis e matatangay pa. Masisigawan ka pa at iisiping may kulasisi ka dahil wala kang maiabot na pera. Lintik na buhay to. Stresssssss.....
Pagktpos ng mga halos 3 oras na pagbabyahe, makakarating na ko sa bahay. Diretso kama ako at excited na nagtanggal ng mga sapatos. Hayy.... ang sarap mahiga ng kama. Hindi pa ko nakakalimang minutong nakahiga e biglang magdadatingan ang barkada. Dahil pinanganak ata ako na may sumpang hindi pedeng tumanggi, ayun napainom na nga. Inabot na ng madaling araw bago natapos ang inuman. Ok na rin kasi kahit kaunti e natuwa naman ako kakapanood ng mga katropa kong mayayabang sa inuman e puro naman sukahan. Tawa ako ng tawa ng tumingin ako sa relo. Omaygas, alas 5 na ng madaling araw!!!!
Para akong nahulasan bigla at dali dali akong tumakbo ng CR. Parang limang minuto lang ako naligo dahil malalate na ko. Hindi na ko pede malate kasi at magkakamemo na dahil sa dami na ng late. Takbo ako. Nagulat ako ng di gaano madaming tao ang MRT. Akala ko pa nung una e meron na namang bomb scare kaya takot ang mga tao sumakay. Natuwa naman ako kahit pano e di ko na kelangang makipagsikiskan.
Ang aga ko dumating. 6:30 pa lang. Dali dali akong pumasok ng opisina. Kahit may hang over e pinagdasal ko na lang na sana e di ako gano mastress. Pagpasok ko e parang gulat na gulat ang gwardiya. "Ser bat andito kayo?" ang gulat na tanong nya. Ngumiti lang ako at nagdirediretso. Nang nakakasampung tapak pa lang ako mula sa gwardiya, biglang umakyat ang dugo sa ulo ko. Para akong hihimatayin.....
..... Sabado na pala. Walang pasok.
Muntik na kong mag breakdown sa sobrang stress.