Isang araw kasi habang nakatambay ako at nagsusunog ng baga (atay na ata yung nasusunog kasi wala na ata akong baga), may napansin ko si Mac na parang masayang masaya. Tinawag ko pa nga sya nun, pero di nya ko pinansin. Nilakasan ko pa nga ang sigaw pero wala, parang nasobrahan sa linis ng tenga at nabasag na ang eardrums. Sinundan ko ng tingin si Mac at dahang dahang pinagmasdan kung ano nga bang nangyayari dito. Hindi mapakali itong si Mac. Parang excited na excited na paikot ikot sa kalsada. Naisip ko, "parang ganito ako nung naloloko pa ko sa mga babae ah" At ayun nga, dahil napilit kong irelate ang sarili ko sa kanya, nagkatotoo nga.
Mula sa di kalayuang mula sa kinatatayuan ni Mac, may lumabas mula sa pintuan ni Mang Ador. May bago palang nakatira sa matandang tindero ng mga gulay. Maputi ito. Mukang hindi marumi. Sya ang tipong siguradong kalolokohan ni Mac. Natawa ako sa sarili ko. Para akong nanonood ng pelikula ni Dolphy at Zsa Zsa. parang gusto ko pa atang kiligin dahil tumatayo ang mga balahibo ko. Napagtanto ko lang na di ako kinikilig sa dalawa, kinikilig ako kasi unti unti nang pumapatak ang wiwi ko sa brief ko.
Anyways, moving on, Dali-daling lumapit itong si Mac sa bagong "border" ni Mang Ador. May dala itong bagay na di ko makita dahil sa likot nitong si Mac. Nakita ko na sinubo nung babae ang dala ni Mac, so inisip ko na lang na kendi o kung ano mang pagkain ang dala nito. Di ko na pinaglaanan ng pansin kung ano man nga iyon dahil nakita kong tila kinikilig din itong pinagbigyan. Aba, magaling dumiskarte itong si Mac. Pogi points agad.
Lumipas ang ilang araw at muli akong napatambay dun kina Mac. Aba, napapadalas na ito kina Mang Ador. Maya maya ay napansin kong parating na si Mang Ador. "Mang Ador, sino yung bagong nakatira sa inyo?" tanong ko, "Ahh yun ba? si Micah yun." sagot ni Mang Ador. Nabanggit ko sa kanya ang pagtambay lagi ni Mac sa kanila. Napakibit balikat na lamang ito at tila nagsalubong ang kilay. Naku, bad shot ata itong si Mac. Paano ba naman, halos 24 hours ata tumatambay tong si Mac doon. Pag nakikita naman si Mang Ador e karipas na ng takbo na parang takot na takot. Sino nga ba matutuwa dun diba?
Kinabukasan, muli na naman akong napatambay. Oo, ako na ang professional.. professional tambay. Aba mukang masayang masaya ang dalawa. Nakikita ko pang naghahabulan, nagsisigawan. Mukang sinagot na si Mac. Ambilis, pero siguro matagal na sila, ngayon ko lang napapansin. Kitang kita mo ang tuwa sa mga mata ni Mac. Nakikita ko na syang nagpapagulong gulong sa kalsada. eto namang si Micah e hindi ko maintindihan at bakit parang tuwang tuwa syang nakikita si Mac na gumugulong gulong. Naisip ko na lang, e ako nga halos sirain ko buhay ko dahil sa pag-ibig, so wala akong karapatang manghusga. Ganyan daw kasi ang pag-ibig. Bubulagin ka sa umpisa tapos gagawin kang retarded sa huli.
Hindi pa nagtatagal ang Precious Hearts love story nila ay napansin kong biglaang bumukas ang pintuan nina Mang Ador. Napansin ko rin na may hawak na itong pamalo. Sumigaw ito na tila may built in na megaphone at minura si Mac. Kitang kita ko ang takot sa mata ni Mac kaya bigla akong napatayo sa kinauupuan ko. Natapunan pa ko ng toyo dahil kumakain ako ng siomai ng mga oras na iyon. Kaya ayon. Basa. Basa ng toyo.
Hindi ko alam kung kelangan ko bang rumesbak at tulungan si Mac. Mukang nagdidilim na kasi talaga ang paningin nitong si Mang Ador. Baka mamaya ay sa akin pa ibaling ang galit. Kasalanan din naman ni Mac, e lintik naman sa ingay. May pagkawar freak pa.
Nung umaga daw kasi, nakita ni Mac na kausap ni Micah ang isa pang "border" ni Mang Ador na si Jojo. May pagkaseloso kasi tong si Mac. Hindi lang basta bakod ang ginagawa nito sa mga babaeng nakakarelasyon nya, Kundi nilalagyan pa 15 feet tall na wall, barb wire sa paligid at meron ding electric fence. Kaya ng makita nyang magkausap ang dalawa e agad agad nitong sinugod si Jojo. Nagsimula ang away nila at nagpagulong gulong sila sa kalsada. Todo sigaw naman si Micah upang pigilan ang mga mapupusok na mga ito. Naglabasan na ang mga tao dahil nga sa ma eskandalong ingay na ginagawa ng away nila. Napigil lamang ang gulo ng lumabas na si Mang Ador at hinabol si Mac. Karipas ng takbo si Mac. Lumingon pa ito kay Jojo na tila sinasabing " Hindi pa tapos ang laban, bukas di ka na sisikatan ng araw". Kaya di ko masisisi kung bakit ganon na lang ang galit ni Mang Ador.
Nagdesisyon akong hayaan na lang tutal mukang nirarayuma na rin itong si Mang Ador at akala mo e pato na itong maglakad. Naisip ko kasi na hindi naman mahahabol nito si Mac. Pwera na lang kung meron syang mga gadgets ni batman. Wala itong kawala.
Tuwing uuwi ako galing Maynila, lagi akong tumatambay malapit kina Mac at pinapanood ko ang umuusbong nilang relasyon. Siguro meron lang bitterness kasi ako e inabot ng ilang dekada bago nakakita ng mamahalin (but that's another issue!). Natutuwa na rin ako kasi kahit papano, masaya na si Mac.
Lumipas ang halos isang Linggo, Naisipan ko ulit tumambay sa favorite kong tambayan. Kamusta na kaya sina Mac at Micah? Parang naexcite ako tulad ng pagkaexcite ko sa pelikula ni Popoy at Basha. Iniisip kong siguro e nakatambay na naman ito kina Mang Ador at paulit ulit na nag iingay doon. Nang nasa ilang metro bago ako makarating sa tambayan ko, napansin kong merong nakatayo sa harap ng bahay nina Mang Ador. Nang mejo malapit na ko (sige na ulit... ako na ang malabo ang mata) napansin kong si Mac. Pero di tulad ng inaasahan ko, parang napakalungkot ng mga muka nya. Parang siya sinandwich ng Langit at Lupa. Sinubukan ko syang tawagin, pero di na sya lumilingon. Ano kaya ang naging problema? LQ kaya? hindi ko kasi nakikita si Micah.
Maya maya, biglang may nagsalita sa likod ko. Muntik ko na maibuhos ang kapeng iniinom ko sa mukha nya. "Pinaalis na kasi ung Micah jan. Hindi na kasi matiis ni Mang Ador kaya pinalayo na ito dito. Alam mo bang 2 araw na sya?" wika ng mama.
Nagulat ako sa narinig ko pero mas nagulat ako kung paano nya nabasa ang naiisip ko. Nag rereading aloud ba ako at kahit nanay ko e maririnig ang sinasabi ko? Sumagi sa isip ko na baka multo yun pero iniba ko na lang iniisip ko. Pero mabalik tayo, nagulat ako sa narinig ko. Broken hearted pala itong si Mac. Walang magawa ito kundi panoorin ang pagbukas ng pituan ni Mang Ador. Nagbabaka sakaling si Micah na ang lumabas. Nakikita ko ring paminsan minsang titingala itong si Mac na tila nagdadasal ng himala. Medyo nalungkot naman ako dun.
Ang sakit isipin na malalayo sa yo ang minamahal mo. Mas masakit kung di mo naman maintindidhan kung bakit kayo pinaglayo, kung bakit kelangang mawala ang minamahal mo. Naniniwala kasi akong ang totoong pag-ibig e minsan lang dumating. Ni hindi pa nga umuusbong yung punla nila e nagkahiwalay na agad.
Ilang araw pa ulit akong dumaan dun pero andun pa rin sya. Gusto ko na syang lapitan at kausapin pero natakot ako na baka hindi ako maintindihan. Pinili ko na lang na tahimik na makiramay sa paghihiwalay nilang dalawa. Gusto ko rin sanang tanungin kung san pinadala si Micah, pero naisip ko na di ako dapat makialam. Wala ako sa lugar at wala akong karapatang manghimasok. Nagdecide ako na mag inom na lang at makiramdam sa mga mangyayari.
Makaraan ang halos 2 linggo pa ulit, napadaan na naman ako sa all time favorite tambayan ko. Hindi ko na nakikita si Mac. Wala na yung masayahing si Mac na walang pakialam kung kukutyain sya ng mga tao sa paligid nya. Wala syang pakialam basta ang alam lang nya ay nagmamahal sya. Nakita ko sa mga mata nya yung sparkle(juice? :D) sa mga mata nito.
Sakto naman habang napatigil ako dahil bumili ng sigarilyo sa tindahan. Sakto, dumaan ang may ari ng bahay na tinitirahan ni Mac. Naitanong ko sa kanya kung asan na si Mac. "Wala na si Mac, binenta ko na kasi parang nasisira na ang ulo at lagi na lang nag iingay. Ilang aso na ang muntik mapatay nyan. Siguro e talagang nainlab dun sa aso ni Mang Ador kaya ayun kesa maluko at mangagat pa e binenta ko na. Ang alam ko e yung si Micah e binenta na rin nung pinagbigyan ni Mang Ador. OK na rin yun atleast tumahimik tong lugar namin at wala nang tahol ng tahol"
Hmmm.... di ko ba nabanggit na mga aso ang kinukwento ko? Mga askals. Mah bad.
Pero in fairness, nakakaawa lang yung nangyari sa kanila. Parang naging against all odds sila, yun nga lang, nauwi sa tragedy ang love story nila. Nakakalungkot isipin na oo, meron ngang nangyaring kakaibang pag-iibigan sa pagitan nina Mac at Micah. Hanggang ngayon iniisip ko sila. Siguro ngayon isa na lang silang asuzena. Pinupulutan ng mga lasing.
Tsk tsk tsk.... Namiss ko bigla si Mac.
0 comments:
Post a Comment