Monday, December 27, 2010

Si Mac at si Micah

Monday, December 27, 2010
Feeling ko kasi kelangan ko isulat to kaya ako nagawi dito. Namiss ko namang magsulat at mag ubos ng oras para lang magkwento sa inyo na hindi ko lang alam kung talagang binabasa nyo ito.

Isang araw kasi habang nakatambay ako at nagsusunog ng baga (atay na ata yung nasusunog kasi wala na ata akong baga), may napansin ko si Mac na parang masayang masaya. Tinawag ko pa nga sya nun, pero di nya ko pinansin. Nilakasan ko pa nga ang sigaw pero wala, parang nasobrahan sa linis ng tenga at nabasag na ang eardrums. Sinundan ko ng tingin si Mac at dahang dahang pinagmasdan kung ano nga bang nangyayari dito. Hindi mapakali itong si Mac. Parang excited na excited na paikot ikot sa kalsada. Naisip ko, "parang ganito ako nung naloloko pa ko sa mga babae ah" At ayun nga, dahil napilit kong irelate ang sarili ko sa kanya, nagkatotoo nga.

Mula sa di kalayuang mula sa kinatatayuan ni Mac, may lumabas mula sa pintuan ni Mang Ador. May bago palang nakatira sa matandang tindero ng mga gulay. Maputi ito. Mukang hindi marumi. Sya ang tipong siguradong kalolokohan ni Mac. Natawa ako sa sarili ko. Para akong nanonood ng pelikula ni Dolphy at Zsa Zsa. parang gusto ko pa atang kiligin dahil tumatayo ang mga balahibo ko. Napagtanto ko lang na di ako kinikilig sa dalawa, kinikilig ako kasi unti unti nang pumapatak ang wiwi ko sa brief ko.

Anyways, moving on, Dali-daling lumapit itong si Mac sa bagong "border" ni Mang Ador. May dala itong bagay na di ko makita dahil sa likot nitong si Mac. Nakita ko na sinubo nung babae ang dala ni Mac, so inisip ko na lang na kendi o kung ano mang pagkain ang dala nito. Di ko na pinaglaanan ng pansin kung ano man nga iyon dahil nakita kong tila kinikilig din itong pinagbigyan. Aba, magaling dumiskarte itong si Mac. Pogi points agad.

Lumipas ang ilang araw at muli akong napatambay dun kina Mac. Aba, napapadalas na ito kina Mang Ador. Maya maya ay napansin kong parating na si Mang Ador. "Mang Ador, sino yung bagong nakatira sa inyo?" tanong ko, "Ahh yun ba? si Micah yun." sagot ni Mang Ador. Nabanggit ko sa kanya ang pagtambay lagi ni Mac sa kanila. Napakibit balikat na lamang ito at tila nagsalubong ang kilay. Naku, bad shot ata itong si Mac. Paano ba naman, halos 24 hours ata tumatambay tong si Mac doon. Pag nakikita naman si Mang Ador e karipas na ng takbo na parang takot na takot. Sino nga ba matutuwa dun diba?

Kinabukasan, muli na naman akong napatambay. Oo, ako na ang professional.. professional tambay. Aba mukang masayang masaya ang dalawa. Nakikita ko pang naghahabulan, nagsisigawan. Mukang sinagot na si Mac. Ambilis, pero siguro matagal na sila, ngayon ko lang napapansin. Kitang kita mo ang tuwa sa mga mata ni Mac. Nakikita ko na syang nagpapagulong gulong sa kalsada. eto namang si Micah e hindi ko maintindihan at bakit parang tuwang tuwa syang nakikita si Mac na gumugulong gulong. Naisip ko na lang, e ako nga halos sirain ko buhay ko dahil sa pag-ibig, so wala akong karapatang manghusga. Ganyan daw kasi ang pag-ibig. Bubulagin ka sa umpisa tapos gagawin kang retarded sa huli.

Hindi pa nagtatagal ang Precious Hearts love story nila ay napansin kong biglaang bumukas ang pintuan nina Mang Ador. Napansin ko rin na may hawak na itong pamalo. Sumigaw ito na tila may built in na megaphone at minura si Mac. Kitang kita ko ang takot sa mata ni Mac kaya bigla akong napatayo sa kinauupuan ko. Natapunan pa ko ng toyo dahil kumakain ako ng siomai ng mga oras na iyon. Kaya ayon. Basa. Basa ng toyo.

Hindi ko alam kung kelangan ko bang rumesbak at tulungan si Mac. Mukang nagdidilim na kasi talaga ang paningin nitong si Mang Ador. Baka mamaya ay sa akin pa ibaling ang galit. Kasalanan din naman ni Mac, e lintik naman sa ingay. May pagkawar freak pa.

Nung umaga daw kasi, nakita ni Mac na kausap ni Micah ang isa pang "border" ni Mang Ador na si Jojo. May pagkaseloso kasi tong si Mac. Hindi lang basta bakod ang ginagawa nito sa mga babaeng nakakarelasyon nya, Kundi nilalagyan pa 15 feet tall na wall, barb wire sa paligid at meron ding electric fence. Kaya ng makita nyang magkausap ang dalawa e agad agad nitong sinugod si Jojo. Nagsimula ang away nila at nagpagulong gulong sila sa kalsada. Todo sigaw naman si Micah upang pigilan ang mga mapupusok na mga ito. Naglabasan na ang mga tao dahil nga sa ma eskandalong ingay na ginagawa ng away nila. Napigil lamang ang gulo ng lumabas na si Mang Ador at hinabol si Mac. Karipas ng takbo si Mac. Lumingon pa ito kay Jojo na tila sinasabing " Hindi pa tapos ang laban, bukas di ka na sisikatan ng araw". Kaya di ko masisisi kung bakit ganon na lang ang galit ni Mang Ador.

Nagdesisyon akong hayaan na lang tutal mukang nirarayuma na rin itong si Mang Ador at akala mo e pato na itong maglakad. Naisip ko kasi na hindi naman mahahabol nito si Mac. Pwera na lang kung meron syang mga gadgets ni batman. Wala itong kawala.

Tuwing uuwi ako galing Maynila, lagi akong tumatambay malapit kina Mac at pinapanood ko ang umuusbong nilang relasyon. Siguro meron lang bitterness kasi ako e inabot ng ilang dekada bago nakakita ng mamahalin (but that's another issue!). Natutuwa na rin ako kasi kahit papano, masaya na si Mac.

Lumipas ang halos isang Linggo, Naisipan ko ulit tumambay sa favorite kong tambayan. Kamusta na kaya sina Mac at Micah? Parang naexcite ako tulad ng pagkaexcite ko sa pelikula ni Popoy at Basha. Iniisip kong siguro e nakatambay na naman ito kina Mang Ador at paulit ulit na nag iingay doon. Nang nasa ilang metro bago ako makarating sa tambayan ko, napansin kong merong nakatayo sa harap ng bahay nina Mang Ador. Nang mejo malapit na ko (sige na ulit... ako na ang malabo ang mata) napansin kong si Mac. Pero di tulad ng inaasahan ko, parang napakalungkot ng mga muka nya. Parang siya sinandwich ng Langit at Lupa. Sinubukan ko syang tawagin, pero di na sya lumilingon. Ano kaya ang naging problema? LQ kaya? hindi ko kasi nakikita si Micah.

Maya maya, biglang may nagsalita sa likod ko. Muntik ko na maibuhos ang kapeng iniinom ko sa mukha nya. "Pinaalis na kasi ung Micah jan. Hindi na kasi matiis ni Mang Ador kaya pinalayo na ito dito. Alam mo bang 2 araw na sya?" wika ng mama.

Nagulat ako sa narinig ko pero mas nagulat ako kung paano nya nabasa ang naiisip ko. Nag rereading aloud ba ako at kahit nanay ko e maririnig ang sinasabi ko? Sumagi sa isip ko na baka multo yun pero iniba ko na lang iniisip ko. Pero mabalik tayo, nagulat ako sa narinig ko. Broken hearted pala itong si Mac. Walang magawa ito kundi panoorin ang pagbukas ng pituan ni Mang Ador. Nagbabaka sakaling si Micah na ang lumabas. Nakikita ko ring paminsan minsang titingala itong si Mac na tila nagdadasal ng himala. Medyo nalungkot naman ako dun.

Ang sakit isipin na malalayo sa yo ang minamahal mo. Mas masakit kung di mo naman maintindidhan kung bakit kayo pinaglayo, kung bakit kelangang mawala ang minamahal mo. Naniniwala kasi akong ang totoong pag-ibig e minsan lang dumating. Ni hindi pa nga umuusbong yung punla nila e nagkahiwalay na agad.

Ilang araw pa ulit akong dumaan dun pero andun pa rin sya. Gusto ko na syang lapitan at kausapin pero natakot ako na baka hindi ako maintindihan. Pinili ko na lang na tahimik na makiramay sa paghihiwalay nilang dalawa. Gusto ko rin sanang tanungin kung san pinadala si Micah, pero naisip ko na di ako dapat makialam. Wala ako sa lugar at wala akong karapatang manghimasok. Nagdecide ako na mag inom na lang at makiramdam sa mga mangyayari.

Makaraan ang halos 2 linggo pa ulit, napadaan na naman ako sa all time favorite tambayan ko. Hindi ko na nakikita si Mac. Wala na yung masayahing si Mac na walang pakialam kung kukutyain sya ng mga tao sa paligid nya. Wala syang pakialam basta ang alam lang nya ay nagmamahal sya. Nakita ko sa mga mata nya yung sparkle(juice? :D) sa mga mata nito.

Sakto naman habang napatigil ako dahil bumili ng sigarilyo sa tindahan. Sakto, dumaan ang may ari ng bahay na tinitirahan ni Mac. Naitanong ko sa kanya kung asan na si Mac. "Wala na si Mac, binenta ko na kasi parang nasisira na ang ulo at lagi na lang nag iingay. Ilang aso na ang muntik mapatay nyan. Siguro e talagang nainlab dun sa aso ni Mang Ador kaya ayun kesa maluko at mangagat pa e binenta ko na. Ang alam ko e yung si Micah e binenta na rin nung pinagbigyan ni Mang Ador. OK na rin yun atleast tumahimik tong lugar namin at wala nang tahol ng tahol"

Hmmm.... di ko ba nabanggit na mga aso ang kinukwento ko? Mga askals. Mah bad.

Pero in fairness, nakakaawa lang yung nangyari sa kanila. Parang naging against all odds sila, yun nga lang, nauwi sa tragedy ang love story nila. Nakakalungkot isipin na oo, meron ngang nangyaring kakaibang pag-iibigan sa pagitan nina Mac at Micah. Hanggang ngayon iniisip ko sila. Siguro ngayon isa na lang silang asuzena. Pinupulutan ng mga lasing.

Tsk tsk tsk.... Namiss ko bigla si Mac.

0 comments

Sunday, August 15, 2010

Trial and Error

Sunday, August 15, 2010
Naniniwala ba kayo sa soul mate? Naniniwala ba kayong merong isang taong nakatadhanang makakasama mo habambuhay? Totoo bang merong true love na minsan mo lang mararanasan sa buhay mo? Totoo bang pag nahanap mo na ang nararapat sa yo e makakaranas ka ng habambuhay na kaligayan?

Ang masasabi ko lang ay...... kanya kanyang paniniwala lang yan (Kala nyo siguro magsasabi ako ng "Bullshit ndi totoo yan" o kaya "&^&$^%!~@! walang ganyan mga #*()&&*#, muntik na pero never kong gagawin yun hee).

Kung ako kasi tatanungin, hindi ko mapilit ulit ang sarili ko na isiping "Oo, eto ay isang match made in heaven!". Hindi ko mapilit ang sarili ko na totoong merong isang nilalang na nakareserve para sa yo na pag nakita mo e pede mo nang i-take out. Minsan kong pinaniwala ang sarili sa kwento ng mga matatanda tungkol sa soul mates at kung pano ito kusang dumadating. E sa dami ba namang katangahang nangyari sa buhay ko tungkol sa letseng pag ibig na yan, matagal ko na isinuko ang paniniwala tungkol sa ganyan.

E pano ba naman, bigla mong mararanasan yung mga kakaibang settings tungkol sa "soulmate". Yung mga tipong pang pelikula na mayaman ang lalake, mahirap si babae. O di kaya yung tipong biglang nagkita ang lalake at babae sa isang lugar. O di kaya e bumibili ka ng softdrinks sa kanto e biglang makikita mo ang pangarap ng buhay mo. Aakalain mong siya na nga yung nararapat sa yo. Pero malalaman mong di ka nya type, may boyfriend na pala, kamag anak mo pala... yun bang tipong malabo pa sa sabaw ng pusit na maging kayo. Oo naranasan ko lahat yan. Sa kakapilit ko sa utak ko na paniwalaan ang sabi sabi ng matatanda, ayun muntik na ko umiyak habang tumatawa sa isang sulok.

Kung sasabihin naman ng iba na hindi ko pa lang nakikita talaga yung soul mate ko. Kumbaga, yung mga babaeng dumaan sa buhay ko e di totoong soul mate kundi "soul fling" lang. Mas naniniwala kasi ako na ang isang relasyon (lahat ng uri ng relasyon) ay isang trial and error lang. Lahat ng relasyon ay isang trial and error, walang exemption. Mapa artista ka, senador, alien o kahit ano ka pa man, hindi ka sasantuhin.

Naniniwala kasi ako na ang mga dumaan (as in literal na dumaan lang... mga letse...) na babae sa buhay ko e produkto ng method na yun. Tinry namin (OO NA, SIGE AKO LANG ANG NAGTRY) pero hindi nagclick lahat. Parang yung mga materyales na ginamit ko e galing lang sa divisoria. Hindi ko nakuha ang tamang formula parang mabuo yung relasyon. Tingnan mo nga sina Kris at James. Di ba akala ng karamihan e eto na yung tamang lalake para kay Kris. Pero in the end, nagfail pa rin ung relasyon nila.

Kung tatanungin mo naman ako kung ano ba ang tamang formula, hindi ko rin alam. Mahirap din masabi kung tama nga ba ang blending kahit umabot na ng lagpas 10 years ang relasyon. Yan ang mahirap pag ginagawa mo ang method na yan; araw araw nyong gagawin ang trial and error. Araw araw nyo tetestingin ang relasyon nyo.

Pero bumibilib ako dun sa mga taong pilit tinatama ang relasyon kahit sobrang sira na. Yun bang tipong pilit ineedit yung formula para tumama. Yun tipong try and try pa rin kahit lagpas langit na ang error. Kung ihahambing sila sa isang classroom, sila yung mga tipong kahit di matatalino e pilit pa ring nagrereview para lang makapasa.

Hindi rin ako naniniwalang minsan ka lang iibig ng tunay sa buhay mo. Bakit naman sina Dolphy at Ramon Revilla, wag mo sabihin sa king minsan lang silang nagmahal ng tunay? Naniniwala naman ako na minahal nila ang mga naging babae nila. Hindi mo naman masusukat ang pagmamahal. Hindi mo pwedeng basta na lang sabihing "Ah si Lucring? 40% ko lang yan minahal". Ang ginagawa kasi ng mga taong sukatan e kung ilang beses sila nag away kumpara sa dati nyang babae. O kung sino ang mas palengkera e yun ang less love mo. Sa totoo lang lahat ng minahal mo sa buhay, lahat yan tunay. Iba iba nga lang ang paraan mo ng pagmamahal sa taong yun.

Kaya kayo, wag nyo nang isipin kung bagay ba kayo o hindi. Try and try lang. Wala namang mawawla kung mag tatrial and error ka tulad ng mga matatapang na taong nagmamahal sa buong mundo. Malay mo isang araw makakita ka ng tamang formula tulad ko.



.....yiheiiiiii TULAD KO!!! hehe

1 comments

Friday, June 25, 2010

Average Joe

Friday, June 25, 2010
normal adj. 1 ang mga regular na, average, dati,
run-of-the-mill, ordinaryo, unibersal, pangkalahatan, karaniwan,
tipikal, ayos lang

Average.... ordinaryo.... karaniwan....

Marami sa tin na ganito ang description sa halos lahat na bagay. Kapag tinanong mo kung maganda ang pelikula, ang karaniwang sagot ay " ayos lang.." Kapag tinanong kung madali ba ang exam, ang sagot ay "ayus lang". Pag tinanong ka kung pogi ang boylet ni babae ang sagot e "Mabait" (Although malayo sa normal ung sagot, pero yun kasi lagi ang ordinaryong sagot ng mga tao).

Ganyan tayo. Ganyan ako. Isang normal na tao na may normal na buhay na may normal na pamilya na may normal na pangarap. Wala ka itulak kabigin sa kin. Isa akong napaaaaaaka normal na tao...

Na sa sobrang normal e nakakainis na....

Hindi kasi ako katulad nina John Lloyd na gwapo. Hindi kasing macho ni Derek Ramsay (Lamang lang sya ng mga.... 30 paligo). Di rin ako kasing galing kumanta tulad ni Jovit ng Pilipinas Got Talent. Hindi rin ako kasing galing ni Caguioa sa basketball. In short... wala akong talent. Kumbaga, isa akong jack of all trades... pero master of none. Pero diba atleast nagagawa mo ang maraming bagay. Yun nga lang, wala kang fans kasi NORMAL ka lang. Hindi nag eexcel, hindi nag sstand out.

Bata pa lang ako alam kong nakasulat na sa gulong ng palad na magiging isang saling pusa ako sa buhay. Nung elementary ako, out of 30, pang 20 ako. Nung highschool, out of 42 pang 31 ako. Nung college ako, hindi ko na nabilang kasi marami kami, pero nasa bandang gitna ako. Aba... nung nagkatrabaho ako, nung nakita ko ang ranking ng performance namin, out of 52, pang 27 ako. Oh diba? San ka pa? Nung nagtapon ng katalinuhan, kagandahan at lahat ng kung ano ano pang maganda e parang half sleep ata ako.

Di ko nga alam bat ganito ang naging buhay ko. Dati lagi ko sinasabi na magiging presidente ako ng Pilipinas. Eh pano ako magiging presidente e kahit man lang escort sa class officer e hindi ako makuha? Napakaplain, napakasimple. Wala akong katangian na mapapa WOW ang mga tao. Kahit nga sa pagsusulat, masasabi ko pa ring average lang din ako. Hindi ako makapagsulat ng english kasi inaabot ako ng isang oras para lang maisulat ang gusto ko sabihin. Pag tagalog naman, puro ka jejehan ang nasusulat ko sa katamaran ko magtype. Pano ba aaasenso ang mga taong average lang? Wala. Mag uubos ka ng 12 oras sa trabaho mo e kulang pa rin ang sasahurin mo.

Yan naman ang realidad ng buhay e. Mga matatalent, winner. Mga average, Loser. Kahit sa larangan ng pag ibig e. Ano pipiliin mo? Yung gwapo o yung normal lang (like, mabait?). Wag impokrito syempre mas mapapa first look ka sa may itsura at hindi sa hitsura pa.

Naalala ko tuloy nung high school student pa ko. Gusto ko maging js king. E kaso wala e. Kahit anong plastic surgery ata ang gawin ko sa mukha e wala talaga. In the end, ni isang babae e wala ako naisayaw. It hurts diba? /Wrist.

Pero in fairness naman, may mga advantages din naman ang pagiging plain or normal e. Hindi ka mahoholdap kasi iisipin nila wala ka namang pera. Hindi ka makukuyog ng mga tao, kasi hindi ka naman pansinin. Bago ka pag isipan ng masama ng mga tao, yun munang mga mukang halang ang bituka ang iinvestigahan. Hindi ka mapapagod pag may liga kayo kasi hindi ka na mapapansin ng coach mo para paglaruin ka. Pwede ka rin magkasyota, yun e kung totoong merong taong naghahanap ng "simpleng" magiging kapartner (Kung meron man, takte, jackpot yun pre). Oh diba napakarami?

Ikaw? Gusto mo bang maging average joe lang? Gusto mo bang matulad sa kin na parang hatsing lang na pagkatapos kang i hatsing e pupunasan ka lang ng tissue? Ayaw mo? Pwes simulan mo nang magka ADHD at magpakabibo. Sumisip sa Boss at gawin ang lahat para mag stand out.

At habang ginagawa mo yan, nawa e hindi ka patulan ng mga tao sa paligid sa pagiging pampam. Ayt~

0 comments

Friday, June 18, 2010

Nang Matutong Manligaw si Eba

Friday, June 18, 2010
Reporter: Kung ikaw ay prutas ano ka at bakit?
Malungkutin: Manga! Kasi parang manga, seasonal lang din ako... seasonal magsulat.

Ahihihihihi.....

Uu korni, alam ko na yan at wala ako pakialam. Lumipas ang ilang buwan, ngayon ko lang ulit ito nabisita. Nagdaan na ang mga bagyo, ang nuknukan ng init na summer, ang "automated" daw na eleksyon at ang paghihiwalay nina Zanjoe at Mariel, ngayon ko lang naisip na aba, meron nga pala akong hobby nung panahon ni kopong kopong.

Napaisip lang kasi ako. Talaga bang mahirap magtapat ng pag-ibig? Ako kasi bias, magiging malungkutin ba ako kung ganun lang kadali yun. E bakit yung iba, nagkakasyota ng sandamakmak? Yung tipong buhok sa ulo ang ginagamit na pambilang ng mga gelpren. Life is unfair talaga.

Pero pano naman kung babae ang gustong magtapat? Keribels lang ba ito?

Sa panahon na ito kasi di na uso ang Maria Clara. Yung mga manang ngayon e nagiging tagapag alaga na lang ng mga pamangkin o minsan e apo sa kapatid. Wala na tayo sa panahon na kelangan ang lalake ang mag da moves. Wala na rin yung tipong mambubulahaw ka para lang mangharana. Kung meron mang mga lalakeng dinadaan sa kanta ang panliligaw, ang paborito ng mga kabataang lalakeng panligaw e S2pid Luv. O aminin, maraming jejemon at mga batang nakapatong lang sa ulo ang cap. Pero no offense sa mga ganun pumorma, pero karamihan e ganun ang style talaga.

Pano nga ba tatanggapin ng mga lalake ang panliligaw or pag amin ng isang babae sa nararamdaman nya? Meron pa bang martir ngayon at sasabhing "Eww... Turn off naman nanliligaw sa lalake... ewwww"? Hindi ba mas tataas pa nga dapat ang pogi points mo to the highest level pag napunta ka sa ganitong sitwasyon? E ano nga ba ang mapapatunayan mo kung ligawan ka man ng babae? Pride? Susme, ang mga mapapride ngayon e binabaril na sa Luneta.

Kung mga matatanda naman ang tatanungin mo, siguradong isang malaking "X" ang ibibigay sa yo (bilang babae). Katakot takot na flashback ang ipamumuka sa yo kung pano niligawan sya ng lolo mo at kung bakit dapat e mag ala Maria Clara ka. Baka nga tanungin ka pa kung nahawakan na ba ang kamay mo at sampalin ka na lang habang sinasabing "ILANG BUWAN NA ANG LAMAN NG CHAN MO??!?!?" Minsan nga natatawa na lang ako. Bakit ang laki ng pagkakaiba ng noon at ngayon. Kibit balikat na lang ako. Ayoko naman din mamuhay sa panahon ng hapon.

Pero ako sa totoo lang, taas kamay ako sa mga babaeng nagagawa ang mga ganitong bagay. Ika nga e No guts! No glory! Kung kaya mong sumakay sa rumaragasang ilog kahit na alam mong kahit anong oras e pwede kang mahulog o mauntog sa mga bato, go lang. Basta wag ka lang aaray kapag nakita mong tatamaan ka na pero di ka pa rin umilag. Hindi ko kasi alam ang pakiramdam ng babae pag nababasted kaya wala ako sa lugar para sabhing "Madami pang lalake jan".

Kasi naman kayong mga babae, kung san san pa kayo tumitingin e andito lang naman ako. Alam ko ang pakiramdam ng nababasted kaya di ko na kayo babasted-in.....

.......tAAAma!

0 comments

Wednesday, January 27, 2010

Pelikula, Pelikula

Wednesday, January 27, 2010
Ang sarap tumunganga diba? 30 mins na ko nakatunganga dito sa screen, pinipilit ang sarili magsulat kasi ito yung pinipilit ko sa utak ko... gusto ko ang pagsusulat. Pero bakit ba tuwing gusto ko na eh ayun, gone with the wind ang mga laman ng utak ko. Parang ang dami kong gusto isulat pero, sa tuwing pipindot na ako dito sa keyboard, puro ..... ang lumalabas.

Pano ba naman ako gaganahan magsulat. Walang nangyayaring exciting sa buhay ko. Walang gumuguhong building sa tuwing mababasted ako. Walang lupang bumubuka tuwing pipiliin ng gusto ko yung mayaman at pangit kong karibal. Ang marami lang sa akin ngayon ay oras... oras na hindi ko alam gamitin dahil nga nuknukan ako ng tamad.

Simula ng natutunan kong maging monghe sa bahay namin, parang wala nang saysay buhay ko. Buti na nga lang at hindi ako suicidal baka wala nang nagsusulat nito ngayon. Mahiwa nga lang ako ng kutsilyo habang nag gagayat ng sibuyas, takbo na ko sa nanay ko dahil takot ako sa dugo.

Sino ba ang hindi takot sa dugo? Ok, may nars at doktor. E nak ng tokwa, mga propesyonal yan, syempre kahit sino e masasanay pag naging ganyan ka. Wag mo i eexample sa kin ang mga mamamatay tao. Takot din yang mga yan, nakasanayan lang din. Yung mga tulad nung sa Saw o kaya yung mga serial killer sa pelikula, meron naman yan pinaghugutan kung bakit sila nagkaganun. Kaya wag ka na mag isip pa kasi walang taong hindi takot (o natakot kahit isang beses) sa dugo.

Pero pagdating naman sa mga pelikula o palabas, masasabi kong walang kakutob kutob ko itong tinatangkilik. Pano ba naman, alam mo na ang mangyayari. Handa na sarili mo sa makikita mong juice na kulay dugo. Ganito kasi lagi ang settings: May isang grupo ng magkakaibigan. Maliligaw sila. May makikitang nakakatakot na bahay. Dahil utos nga ni direk, papasukin nila. Isa isa silang mamamatay. Ang ending, magkakatuluyan yung dalawang bida na mortal na magkaaway sa umpisa at sila lang makakaligtas. Minsan bago pa dumating ang ending e may sex scene pa sila. O diba panalo? Ilang pelikula na bang ganito ang tema ang nabuhay ang lahat at wala man lang napatay yung killer? Wala. Kaya kahit minsan, hindi na ko nathrill sa ganyang mga pelikula.

Yan ang uso sa Amerika. Yan ang tinatangkilik nila. Pero sa tin meron ding ganyang "cliche" o mga recycled ideas. Manood ka ng mga action movies. Yung mga tipong Robin Padilla o Bong Revilla. Ganito setting: Mabait na tao si [insert bida name]. Mamumurder ang pamilya at mapagkakamalang killer si bida. Magtatago si bida. Yung mastermind, huhuntingin si bida. Magkakaroon ng car chase. Sasabog ang mga kotseng mga panahon pa ni kopong kopong. Mauubos ni bida ang lahat ng kalaban. Magkakaroon ng last dialogue ang bida at mastermind na karaniwang title ng pelikula. Mapapatay ni bida si mastermind. Dadating ang mga pulis, senyales ng ending ng pelikula.

O di ba mas panalo tayo? maaksyon na, madrama pa.

Sasabihin ng iba, yan yung mga makalumang pelikula. Di na uso yan. Hep hep hep. Jan kayo nagkakamali!

Kanina lang (o kahapon ba?) bigla akong napatawa habang nanonood ako ng May Bukas Pa. Mejo nadadala na ako nung palabas ng biglang nasa scene na ni Tonton G. aka Mario at kinakausap yung mga tao na nagkakagulo dahil sa di ko na maalalang kadahilanan. Nung susugod na mga tao, sinubukang pigilin nina Mario at ng mga pari ang mga tao. Siguro mga 10 seconds after, saka nagdatingan ang 4 na pulis. O diba grand entrance. Kung sa totoong buhay yun, siguradong patay na ang mga pulis na yun. Parang 4 vs 100 ang drama nung palabas, mapipigil ba sila nun. Idagdag mo pa na ang chief ng mga pulis dun e parang bakla. Sus.

Pero sa totoo lang, bilib na bilib ako sa mga scriptwriter ng mga Pelikulang Pilipino. Hindi ko alam kung san sila pumupulot ng mga salitang ginagamit nila sa scripts at nagagawan nila ng magandang linya ang mga bida tulad nito:



Yan ang linyang nagpasikat kay Mark Lapid. Sa sobrang benta ng linya nyang yan e nagsulputan ang kung ano ano parodies sa youtube. Ganyan kagaling ang pinoy. Dahil jan saludo ako! Sila ang inspirasyon ko ngayon sa pagsusulat. [Insert sarcasm here]

Malay nyo, ako na ang susunod na gagawa ng pinakasikat na one liner sa buong pinas, pati na rin sa buong mundo! [Insert sarcasm here again]

0 comments

Monday, January 18, 2010

Under Construction

Monday, January 18, 2010
Dahil feeling ko masyado nang baduy ang layout na ginagamit ko, sinusubukan ko ngayon eto ayusin. Wait lang dahil di ko mabalik ung mga dati kong widgets wah

EDIT: Mahirap pala magdesign ng blog. ppffftt.... Pero ayan gamit ang kakaunti kong kaalaman sa pag eedit ng pictures, meron na kaunting kinalabasan.. hindi ko nga lang alam kung maganda.

Still under construction

5 comments

Thursday, January 14, 2010

Ang Barkada

Thursday, January 14, 2010
Ang bilis lumipas ng panahon. 2010 na, kalain mo dumighay ka lang ng kaunti, tapos na pala ang taon. Ni indi ko nga naramdaman na nagpalit na pala ang taon. Kakahintay ko kasi ng bagong taon eh ayun, nakatulog. Kaya pala madalas ako antukin nitong mga nakaraang mga araw. Isang taon pala akong laging tulog.

Sa bilis ng panahon ay marami na ring nagbago. Yung pantalon mo na skinny jeans ay nagiging balabal na lang sa leeg mo kasi yung hita mo e pang dalawang butas na ng pantalon. Yung mga damit mo e pinapamana mo na lang sa mga kapatid o anak mo, at ang lagi mong katwiran eh papasko mo na ito sa kanila. Sapul ba? Bang!

Naalala mo ba yung mga panahon na naglalaro tayo ng piko, tumbang preso at kung ano ano pang mga larong kalye? Yung mga panahong ang mga kuko natin eh pede nang taniman ng kamote sa kaitiiman? Yun bang panahon na kulay green na ang mga uhog natin dahil tamad tayong punasan o suminga? Nakakamiss talaga ang nakaraan.

Naalala ko tuloy nung high school pa ko. Unang beses ko humithit ng usok. Buti sana kung yosi nga ito pero yung tangkay ng bayabas ang una kong natikman. Totoo, dyan ako natuto. Leche nga eh, dahil dun ayan, puro butas na ang baga ko.

Nakakamiss din yung kulitan at asaran ng barkada. Para kasing ang saya saya lagi ng buhay pag sila lagi mong kasama. Parang nakakalimutan mo lahat - yung pagpapaluhod sa yo ng nanay mo sa munggo, sa pagsasako sa yo dahil sa kakulitan mo... ganun kasaya. Minsan nga nasasabi natin na mas mahal pa natin sila kesa sa mga magulang natin. Kasi nga, sila yung nakakaintindi sa kalokohan natin, sila yung tipo na nasasakyan ang trip natin. Ang barkada ang parang bumubuo sa kalahati ng buhay natin (Sabay patugtog ng San na nga Ba ang Barkada ng APO, parang mali pa ata title)

Kaya lang dumadating talaga ang time na nagbabago ang lahat. Syempre, hindi naman tayo pede maging bata na lang habambuhay. Anjan na yung time na tatanda tayo... makakakilala ng ibang tao... matututo na ang buhay pala e hindi lang puro laro ang kasiyahan. Malalaman natin na meron din palang ibang tao na pede natin makasama. Malalaman natin na kelangan mo ring magbanat ng buto para may makain na pansarili.

Lilipas ang panahon, maghihiwalay hiwalay rin ang landas ng barkada. Merong makakahanap ng magandang trabaho sa ibang lugar at doon na mabubuo ang buhay. Meron naman makakakita ng bagong environment na feel nya eh masaya sya dun. Meron naman magkakagalit at hindi na magkakausap. Dun mo marerealize at matatanong sa sarili na "ano nga ba ang nangyari?"

Kasi nga pag bata, wala tayo alam gawin kundi magsaya. Wala tayo pakialam kung ito bang taong ito eh sensitive o kaya e tsismosa. Kasi nagiging "comfort zone" natin ang barkada. Hindi man natin ito napapansin pero kahit gano kayaman man o kahirap, katalino o kabobo, lahat nagkakaroon ng pantay na wavelength.

Ngayong tumatanda tayo, dyan natin narerealize ang mali ng bawat isa. Habang natututo tayo sa buhay, nalalaman natin na may mali sa mga nangyayari. Natututo tayong umiwas, o ang mas masaklap, magsawalangkibo. Dahil sa mga rason na ito e unti unti nagkakalamat ang akala natin na solid na tropahan.

Kapag dumating ka na sa stage na unti unti na nawawala ang barkada, dito mo maramramdaman ang panghihinayang. Mararamdaman mo na ang samahan na binuo mo ng matagal na panahon e mawawala lang dahil sa lintik na kasabihang "walang permanente sa mundo, kahit ang barkada nyo". Kahit ano pang effort ang gawin mo upang subukan i mighty bond ang basag na tropahan, wala na. Para ka na lang kumakain ng hotdog na walang ketchup. Masaklap diba?

Ang sarap sana dumating yung panahon na bigla na lang natin makakalimutan ang mga naging pagbabago at magsama sama ulit tulad nung mga bata pa tayo. Yun tipo bang matatanggap natin ang pagkakaiba ng isa't isa. Yun bang mapagtatawanan natin ulit ang pinakamaliit na bagay. Yun bang mawawala ang paghuhusga sa isat isa at matutunan natin mahalin sila ng walang tanong tanong. Sana isang araw, bigla na lang magsulputan ang bawat isa sa barkada na nag hi high five sa isat isa.

Hindi pa naman siguro huli ang lahat diba? Kampay pa!

0 comments