Ang bilis lumipas ng panahon. 2010 na, kalain mo dumighay ka lang ng kaunti, tapos na pala ang taon. Ni indi ko nga naramdaman na nagpalit na pala ang taon. Kakahintay ko kasi ng bagong taon eh ayun, nakatulog. Kaya pala madalas ako antukin nitong mga nakaraang mga araw. Isang taon pala akong laging tulog.
Sa bilis ng panahon ay marami na ring nagbago. Yung pantalon mo na skinny jeans ay nagiging balabal na lang sa leeg mo kasi yung hita mo e pang dalawang butas na ng pantalon. Yung mga damit mo e pinapamana mo na lang sa mga kapatid o anak mo, at ang lagi mong katwiran eh papasko mo na ito sa kanila. Sapul ba? Bang!
Naalala mo ba yung mga panahon na naglalaro tayo ng piko, tumbang preso at kung ano ano pang mga larong kalye? Yung mga panahong ang mga kuko natin eh pede nang taniman ng kamote sa kaitiiman? Yun bang panahon na kulay green na ang mga uhog natin dahil tamad tayong punasan o suminga? Nakakamiss talaga ang nakaraan.
Naalala ko tuloy nung high school pa ko. Unang beses ko humithit ng usok. Buti sana kung yosi nga ito pero yung tangkay ng bayabas ang una kong natikman. Totoo, dyan ako natuto. Leche nga eh, dahil dun ayan, puro butas na ang baga ko.
Nakakamiss din yung kulitan at asaran ng barkada. Para kasing ang saya saya lagi ng buhay pag sila lagi mong kasama. Parang nakakalimutan mo lahat - yung pagpapaluhod sa yo ng nanay mo sa munggo, sa pagsasako sa yo dahil sa kakulitan mo... ganun kasaya. Minsan nga nasasabi natin na mas mahal pa natin sila kesa sa mga magulang natin. Kasi nga, sila yung nakakaintindi sa kalokohan natin, sila yung tipo na nasasakyan ang trip natin. Ang barkada ang parang bumubuo sa kalahati ng buhay natin (Sabay patugtog ng San na nga Ba ang Barkada ng APO, parang mali pa ata title)
Kaya lang dumadating talaga ang time na nagbabago ang lahat. Syempre, hindi naman tayo pede maging bata na lang habambuhay. Anjan na yung time na tatanda tayo... makakakilala ng ibang tao... matututo na ang buhay pala e hindi lang puro laro ang kasiyahan. Malalaman natin na meron din palang ibang tao na pede natin makasama. Malalaman natin na kelangan mo ring magbanat ng buto para may makain na pansarili.
Lilipas ang panahon, maghihiwalay hiwalay rin ang landas ng barkada. Merong makakahanap ng magandang trabaho sa ibang lugar at doon na mabubuo ang buhay. Meron naman makakakita ng bagong environment na feel nya eh masaya sya dun. Meron naman magkakagalit at hindi na magkakausap. Dun mo marerealize at matatanong sa sarili na "ano nga ba ang nangyari?"
Kasi nga pag bata, wala tayo alam gawin kundi magsaya. Wala tayo pakialam kung ito bang taong ito eh sensitive o kaya e tsismosa. Kasi nagiging "comfort zone" natin ang barkada. Hindi man natin ito napapansin pero kahit gano kayaman man o kahirap, katalino o kabobo, lahat nagkakaroon ng pantay na wavelength.
Ngayong tumatanda tayo, dyan natin narerealize ang mali ng bawat isa. Habang natututo tayo sa buhay, nalalaman natin na may mali sa mga nangyayari. Natututo tayong umiwas, o ang mas masaklap, magsawalangkibo. Dahil sa mga rason na ito e unti unti nagkakalamat ang akala natin na solid na tropahan.
Kapag dumating ka na sa stage na unti unti na nawawala ang barkada, dito mo maramramdaman ang panghihinayang. Mararamdaman mo na ang samahan na binuo mo ng matagal na panahon e mawawala lang dahil sa lintik na kasabihang "walang permanente sa mundo, kahit ang barkada nyo". Kahit ano pang effort ang gawin mo upang subukan i mighty bond ang basag na tropahan, wala na. Para ka na lang kumakain ng hotdog na walang ketchup. Masaklap diba?
Ang sarap sana dumating yung panahon na bigla na lang natin makakalimutan ang mga naging pagbabago at magsama sama ulit tulad nung mga bata pa tayo. Yun tipo bang matatanggap natin ang pagkakaiba ng isa't isa. Yun bang mapagtatawanan natin ulit ang pinakamaliit na bagay. Yun bang mawawala ang paghuhusga sa isat isa at matutunan natin mahalin sila ng walang tanong tanong. Sana isang araw, bigla na lang magsulputan ang bawat isa sa barkada na nag hi high five sa isat isa.
Hindi pa naman siguro huli ang lahat diba? Kampay pa!
Thursday, January 14, 2010
Ang Barkada
Posted by Malungkutin at 6:55 AM Thursday, January 14, 2010Labels: Malungkutin Chronicles, Seryosong usapan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment