"Oo mahal din kita"
Yan na yata ang pinakamasarap na salita na narinig ko sa buong buhay ko. Tila umikot ng doble.. hindi.. triple ang mundo ko nung narinig ko ito. Sabi ko pa sa sarili ko, ako na nga yata ang pinakamasayang tao (o hayop) sa buong mundo.
Akalain mo sa milyong katao sa bansang to, ako pa yung napili mo. Isang napaka ordinaryong tao. Isang invisible man. Yung tipong kahit ako na lang ang pagpipilian, mukang maiitchapuwera pa rin ako. Hindi ako mahihiyang umakyat sa overpass at ipagsigawan ang saya na nararamadaman ko. Mahal kita. Mahal mo ko. Kilig mats.
Mahal. Mahal. Mahal. Anong nangyari?
Lumipas ang mga araw.. mga buwan.. mga taon. Bakit tila ang salitang mahal ay kayhirap nang bigkasin. Bakit ang mga tingin mo ay makakabuo ng yelo sa sobrang lamig? Bakit ang pag aaway ay tumatagal ng dalawa... tatlong araw bago maayos? Bakit ang salitang mahal ay napalitan ng galit?
Ano nga ba ang nangyari?
Sa paglipas ng taon, unti unti tayong naging kampante. Nasanay tayong andito ako.. andyan ka. Nasanay tayong sa huli, tayo pa rin naman.
Sa sobrang nasanay tayo, nagkasawaan tayo.
Naalala ko pa nung unang naging tayo. Hindi natin mabitawan ang kamay ng isat isa. Inaabot tayo ng umaga sa kaka skype kahit na isang bahay lang naman ang pagitan natin. Naalala ko yung saya mo tuwing susunduin kita sa trabaho mo. Naalala ko yung umiyak ka sa tuwa ng sinupresa kita nung birthday mo. Pero parang haggang alaala na lang yata ito..
Naalala ko nung una tayo nag away. Muntik na gumuho ang mundo ko pero kumapit tayo. Kumapit tayo kasi nangibabaw yung pagmamahalan natin. Hanggang sa naulit ng naulit ng naulit ng naulit ang di natin pagkakaunawaan.
Mahal, kumapit ako na may pag asang maaayos natin ulit ang lahat. Anim taon na tayo ngayon pa ba tayo susuko? Kumapit ako sa pangako natin na walang aayaw.. na tayo pa rin hanggang sa huli. Pero mahal, ang sakit sakit na.
Ang sakit sakit na na makita kang gabi na lagi umuwi pero hindi ako ang kasama. Ang sakit na masaya ka kasama ang mga kaibigan mo kesa sa akin. Ang sakit nung nagpaalam ka na pupunta ka lang sa pinsan mo, pero iba ang iyong pinuntahan. Ang sakit nung nalaman ko na lihim ka na palang nagkakagusto sa iba. Ang sakit sakit.
Pero kumapit pa rin ako. Kumapit parin ako nung humhingi ka ng tawad. Kumapit kaai ako sa pangakong tayo pa rin sa huli. Na kahit marami nang nangyari.. mahal pa rin kita. Pero ang tanong ko sa yo.. bakit kelangan mo ulit ulitin??? Bakit kailangan mo kong iputan ng paulit ulit?? At bakit kita pinapatawad kahit paulit ulit din??
Hanggang kelan ba ako kakapit? Hanggang kelan ako maniniwala sa ating pangako? Mahal kita. Mahal mo ko. Yun lang naman importante diba?
Pero siguro kailangan ko na rin bumitaw. Kailangan ko na rin siguro palayain ka sa pangako natin na tayo pa rin hanggang huli. Hindi ka na masaya, ramdam ko yan matagal na. Kailangan ko na siguro bitawan ang kadena na nagbibigkis sa ting dalawa. Kailangan ko nang tanggapin na hindi na tyo para sa isat isa.
Mahal kita, mahal mo ko pero kelangan na natin putulin ang lubid na kinakapitan natin.
Mahal kita.. mahal mo ko.. paalam sa yo.
0 comments:
Post a Comment