Monday, April 11, 2011

Breakups

Monday, April 11, 2011
"It's not you, it's me"

Yeah, yeah. Common line ng mga nakikipagbreak. Hindi ko nga ba alam bakit eto ang common gamitin ng mga taong magdaling magsawa. Wala na bang maisip na irarason at yan ang favorite nyong line? Hindi mo ba masabing "E ang takaw takaw mo kasi." O kaya "konti na lang kasi kahawig mo na yung suwelas ng paborito kong chucks." O di kaya "Parang machine gun kasi bunganga mo."

Masakit nga naman kung yun ang sasabihin. Para lang kasing nakakaloko. Pag sinabihan kayong ganyan, tanungin nyo na kung ano ba ang mali sa kanya. Tingnan mo kung makakasagot yan. 9 out of 10 matatagalan sumagot at mag iisip pa yan. (Gumawa pa nga ako ng sarili kong survey haha)

Bakit nga ba nauuwi sa break up ang isang relasyon? Hindi magkasundo ng ugali? Nakakasakal? May mga bwisit na magulang na hinahamak ang pagkatao? Weh?

E kung di ka ba naman isa't kalahati... Kaya nga nagkakaroon ng ligawan diba? Kaya nga may salitang ligawan para makilala nyo ang isa't isa. Kaya nga nagkakaroon ng mga date para maintindihan mo kung bilmoko at bilmokonyan yung nililigawan mo. Kaya nga merong pasundo sundo sa skul para malaman mo kung handa magsakripisyo ang mga lalake. Kaya nga merong madalas nababasted tulad ko dahil sa lintek na ligawan na yan. But that's another issue :)

Kung iisipin mo naman e talagang yan ang mga dahilan kung bakit ka nanliligaw. Ang nakakainis lang kasi e karaniwan din ang pagiging plastik pag umaakyat ng ligaw. E pano ba naman ganito ang setup ng mga lalake:

1. Suot ang pinakabagong polo na bili sa tyangge.
2. Bagong gupit lagi, bagong paligo at laging nakagel.
3. Laging naka Tommy na pabango, minsan Coolwater pag ubos na pabango ni utol.
4. Galante, laging may dalang hopia.
5. Nag aral ng GMRC, napakagalang at napakabait.
6. Nagmumog ng honey, ang tatamis ng lumalabas sa bibig.
7. In connection to # 4, lagi ring may dalang mga pasalubong para sa mga nakababatang kapatid.

E sino bang di maiinlove sa mga ganyan? Kung yung nakikita mong tao e kala mo santo sa sobrang bait. Di magtatagal at sasagutin na sya ng babae. Habang tumatagal:\

1. Laging nakasando na, minsan lumalabas pa ang utong.
2. Long hair na, sa ulo pati sa ilong. May maaamoy ka na rin na kakaiba na karaniwang masakit sa ilong.
3. Baby cologne ang laging amoy nya.
4. Mas madalas mangutang kesa manlibre (o magbayad).
5. Naninigaw na. Akala mo e nakahire ng katulong kung makautos.
6. Lumalaklak ng sili, mura ng mura at kala mo demonyo sa anghang magsalita.
7. Inuutusan pa ang kapatid para bumili ng yosi nya.

Dyan na magsisimula ang break ups. Dyan na sasabihin nung makikipaghiwalay na "It's not you, it's me." na ang ibig sabihin talaga e "It's not you that I love, It's me na nandidiri na sa yo." Bakit nga ba kasi di na lang ipakita sa nililigawan mo ang totoong ikaw? Hindi naman matatago ng pabango at gel ang sarili mong baho. Hindi naman pwedeng habambuhay kang magiging hunyango at isang araw e lalabas din ang tunay mong kulay. Hindi ba mas ok na makita niya kung anong klase kang halimaw ngayon kesa magulat sya na ang tupa palang inaalagaan nya e isang lobo pala?

Sinubukan kong basahin ang mga sinulat ko sa taas. Napakatalinghanga ko hahaha.

Pero seriously diba? Hindi ko naiisip na pagmamahal ang tawag mo dun kundi panloloko lang. Sabi nga nila, kung gusto ka nung tao, kahit ano pang baho ng alipunga mo, mamahalin at mamahalin ka niya. Mas gusto ko pa yung mga tipong Robin Padilla-style ng panliligaw kesa naman para kang orocan na puro kaplastikan lang. Marami ang nauuwi sa hiwalayan dahil sa mga ganitong rason.

Minsan naman, meron talagang mga tao na masasabing hustler sa mga relasyon. May mga lalake/babae na magaling dumiskarte. Yun bang tipong mabulaklak ang mga dila at lahat e kaya mapasagot. Naiinis ako sa mga taong ito. Naiinis ako kasi bakit hindi ko natutunan tong mga to, naiinis ako kasi nagkaroon tuloy ng Malungkutin kasi laging nababasted.

Ito yung mga taong ginagawang katuwaan lang ang pakikipagrelasyon. Ito yung mga taong pinagkaitan ng laruan nung bata kaya hayan, ngayon naglalaro. Kapag nakuha na nya ang/ang mga gusto nya sa taong yun, itatapon nya na to na parang basahan. Dito na rin magsisimula yung mga lines na "It's not you, it's me." na ang meaning naman e "Sorry, it's not you , It's me na nang uto sa yo." Ingat ingat lang kung ganito kayo. Ang karma andyan lang yan. Pinsan nga daw yan ni Kamatayan e. Pareho rin silang biglaan kung dumating. Awuuuu~~~~~

Meron din namang totoo ang naging relasyon. Yung tipo bang talagang nagkainlaban ang dalawa. Yun bang hindi nagpakaplastik, pareho nila tinanggap ang pagkukulang ng isa't isa. Typical love story diba? Pero hindi. Masyado sila nagiging busy sa mga sarili nilang buhay. Unti unti na nawawala yung tamis nila. Nawawala na yung bonding na kelangan para maging pundasyon ng isang relasyon. Dito na papasok ang break up dahil nagfall-out na sila. Ang relasyon na ganito ay parang kandila na dumating na sa dulo at naubos na. Ito yung mga nakakalungkot kasi sayang. Nakakalungkot din kasi sana kahit man lang ganito e nakaranas ako. Sad lang.

Ito ang nakakainis (O nakakatuwa?) na rason ng break ups - Pagiging machine gun.

Sino nga ba ang matutuwa kung ang karelasyon mo e sanay sa pakikibakbakan? Yun bang tipong mga Last Action Hero na hindi nauubusan ng bala at tuloy tuloy lang ang baril? Ang pinagkaiba lang nila e si Schawsde.....neger e sa baril pumuputok. Ito naman ay sa bibig.

Ito yung mga tipong sobrang seloso/selosa. Hindi ko naman sinasabing masama ang magselos. Sabi nga ng mga matatanda, Isa daw itong sign ng pagmamahal sa yo ng isang tao. Pero what the hell man! Kung ito ang iuulam mo sa umaga, tanghali at gabi, never mind na lang pre. Nakakainis ba minsan e makita ka lang na may kausap na babae e raratratin ka na at walang tigil ang putak. Hindi mo lang matext minsan e tatawagan ka pa at saka pagbababarilin ang tenga mo. Yun bang minsan e kabisad mo na lahat ng sasabihin nya - kung gano katgal bubuka ang bibig nya, kung ano lalabas sa bibig nya, ilang exclamation point, ilang period... - Yan. Yan ang authentic na "It's you, yes, IT'S YOU!!!" na rasonn kung bakit nagkakahiwalay. Minsan lang di ko masisi yung mga ganung tao. Siguro lang e sobra lang magmahal yun kaya walang ibang ginagawa kundi pumutak ng pumutak. Makabasag na eardrums na pagmamahal.

Basta ako, ang masasabi ko lang, wala akong pakialam sa mga breakups na yan. Paki ko ba, e hindi pa nga nagiging kami ng nililigawan ko e break na agad kami. Kaya wala talaga ako pakialam.

OO na... BITTER na kung BITTER. >;(


0 comments

Monday, April 4, 2011

Kahirapan

Monday, April 4, 2011
Bakit nga ba merong nuknukan ng yaman at merong sobrang hirap? Lagi ko yan natatanong tuwing mapapadaan ako jan sa may Pasay. Ang daming squatter, ang daming mga pulubi. Ang daming kakalbit sa yo at mag pa-puppy eyes at magsasabing "Kuya kahit konting barya lang." Hindi ka pa makakalayo e may makikita kang sobrang laking bahay. Akala mo e presidente ang nakatira. Hindi kaya sukatin ng 50 tao sa haba ng lote at sa laki ng bahay na nakatirik sa lupang yon. Para ngang sobrang ironic nung lugar. Isang larawan ng marangyang buhay sa gitna ng kahirapan.

Minsan may nakausap ako tungkol sa kahirapan ng buhay. Aktibo sya masyado. Sa sobrang aktibo e para na lang akong nanonood ng tv na hindi pede sumagot sa kanya. (Sige try mo kausapin ang TV mo, now na.) Mahirap daw makapag aral dahil nga kapos sa pera. Minsan pa nga raw kelangan nyang umabsent dahil kahit pamasahe e wala sya. Pero bilib ako sa taong to. Makikita mo ang determinasyon na makapagtapos. Makikita mo sa mga mata nya ang kagustuhang makaahon sa kahirapan.

Yan ang nakakainis na realidad sa ating mga Pilipino. Kung sino pa ang may kagustuhan na umunlad ay sya pa tong nasisilat sa gulong ng buhay. At kung sino pa ang may limpak limpak na salapi, sila pa ung nagkakalat. Totoo diba?

Marami akong kakilala na hindi nakapagtapos na ang common denominator nila ay mapera sila or pamilya nila. Marami akong kakilala na nalulong sa droga na common denominator ulit ay mapera sila. Marami akong kakilala na paeasy easy lang sa buhay dahil.... alam mo na... may common denominator sila.

Siguro dahil kahit kelan ay di nila naranasan ang hirap ng buhay. Wala silang drive or reason kung bakit kelangan nilang makatapos at magkapera dahil nga.. um... Mapera na sila. Kahit ano mabibili mo, kahit pa kaluluwa ng ibang tao. Ganyan ang karaniwang mindset ng mga mayayaman.

Hindi ko naman ginegeneralize pero un ang common. Dapat sisihin nila ang mga pelikula. Kung mapapansin mo, sino ba ang karaniwang kalaban sa mga pelikula? Sino ba ang karaniwang mga pushers, kidnappers at mga big bosses? Di ba ang mga MAYAYAMAN? Kasalanan nila to kung bakit ganito ako mag isip. Namulat ako na may takot kay Paquito (R.I.P) at kung sino sino pang mayayamang kontrabida.

Ang point ko lang, mas nagiging determinado lang ang mga mahihirap na makapagtapos dahil nga sa nararanasan nilang hirap ng buhay. Alam kong may pagkakataon na nagkakabaliktad ang mga situasyon. Alam ko rin na pede nyong sabihin sa kin na kaya nga sila mahihirap dahil kulang sila sa lakas ng loob.

Bakit ba?

E blog ko to at ang laman nito e mga naiisip ko. Kung gusto nyong ibalanse ang mga bagay bagay tulad nito post na to.

Gumawa rin kayo ng sarili nyong blog.

0 comments

Sunday, January 30, 2011

Stress

Sunday, January 30, 2011
Natry nyo na bang mastress ng sobra sobra sa buhay? Yung tipong mitsa na lang ang kulang e pede ka nang gamitin bilang paputok sa bagong taon? Yung tipong pinagsakluban ka ng langit at lupa.

I did. Naks.

Hindi ko nga maintindihan kung bakit ako naiistress. Happy-go-lucky naman ako. Wala akong pakialam sa ibang tao basta wag lang din akong pakikialaman. Minsan nga, tinawag akong kabayo kasi nga naman daw, pag naglalakad ako e diretso lang ang tingin na parang may takip ang mga gilid ng mga mata. Op kors nasisira lang ang concentration pag may bebot nang nakasalubong. Para akong sa exorcist na umiikot ang ulo kakahabol ng tingin.

Eniweys, nakakainis mastress. Papasok ka sa umaga, di ka pa man nakakaupo e katakot takot nang sakit ng ulo ang makukuha mo. May mga katrabahong maiingay... may mga katrabahong kalikot ng kalikot.. meron ding ikot ng ikot. Ang nakakainis pa e yung mga tipong napakakukulit na kala mo e mga grade 1 lang at tuwang tuwa sa paglalaro. Nak ng teteng, alas 7 pa lang ng umaga, nasisira na agad ang araw mo. Minsan nga e gusto ko hagisin ng mug sa bunganga. Naisip ko lang e sa hirap ng buhay ngayon, dadagdag pa sa gastusin ang pagpapabunot sa mga nasirang ngipin dahil sa binato kong mug.

Isang araw naisipan kong magdala ng ipod. Sosyal. Pag upo ko pa lang ay nakasalpak na sa mga tenga ko ang mamahaling headset ko. Olrayt, may padrums drums pa ko sa hangin habang pinapakinggan ang Awit ng Kabataan with matching papikit pikit pa. Pagmulat ng mata ko napansin ko na parang lahat sila e tahimik at nakatingin lahat sa kin. Bakit wala na kayong maburyong na tao kaya lahat kayo natahimik? Naisip ko na tagumpay ito para laban sa mga kampon ni shalala. Napatingin ako sa isa kong katrabaho. Ngumunguso sya sa likod ko. Pagtingin ko sa likod e bigla akong napatalon sa upuan ko. Ampota may dragoooooonnnn!!!!! Mga 10 segundo ko narealize na boss ko pala ang nakita ko at galit na galit na dahil kanina pa pala nya ko tinatawag. Katakot takot na mura ang inabot ko. Akala ko pa naman e makakatanggal stress ang pakikinig ng music habang nagtatrabaho. Yun pala, mas madodoble lang ang stress na mararanasan ko. Simula nun, pinagbawal na ang pagsusuot ng headset sa trabaho.

Sa hapon, jan mo mararanasan ang tugatog ng stress. Sa mga ganitong oras kasi papasok ang mga deadlines, last minute meetings, revisions... lahat ng pedeng gumulo sa magulo mo nang utak, anjan lahat. Ang sakit sa ulo na nagkukumahog kang matapos ang isang bagay e itatapon lang sa mukha mo at sisigaw na "DO IT AGAIN!!!!". Dito lumakas pa lalo ang paninigarilyo ko. Maya't maya ako nagyoyosi. Nakakatanggal daw kasi ng stress yun pero bakit parang masakit na ata ang baga ko e lalo pa ata ako nasstress???

Sa wakas tapos na ang araw mo. Sa wakas, makakapagpahinga ka na at matatanggal ang stress sa araw na ito. Pero pag akyat ko ng MRT... lintik na iyan. Daig pa ang Ligo sardines sa dami ng tao. Grabe. Yung ugat ko noo e naglalabasan dahil sa pagkayamot. Ok lang sana na siksikan e. Ang di kasi maganda sa ganyan e ang halo halong amoy na malalanghap mo pag nakipagsiksikan ka. Minsan matatyambahan ka pa ng mga ulupong na mandurukot at yung payslip na pambigay sana ke misis e matatangay pa. Masisigawan ka pa at iisiping may kulasisi ka dahil wala kang maiabot na pera. Lintik na buhay to. Stresssssss.....

Pagktpos ng mga halos 3 oras na pagbabyahe, makakarating na ko sa bahay. Diretso kama ako at excited na nagtanggal ng mga sapatos. Hayy.... ang sarap mahiga ng kama. Hindi pa ko nakakalimang minutong nakahiga e biglang magdadatingan ang barkada. Dahil pinanganak ata ako na may sumpang hindi pedeng tumanggi, ayun napainom na nga. Inabot na ng madaling araw bago natapos ang inuman. Ok na rin kasi kahit kaunti e natuwa naman ako kakapanood ng mga katropa kong mayayabang sa inuman e puro naman sukahan. Tawa ako ng tawa ng tumingin ako sa relo. Omaygas, alas 5 na ng madaling araw!!!!

Para akong nahulasan bigla at dali dali akong tumakbo ng CR. Parang limang minuto lang ako naligo dahil malalate na ko. Hindi na ko pede malate kasi at magkakamemo na dahil sa dami na ng late. Takbo ako. Nagulat ako ng di gaano madaming tao ang MRT. Akala ko pa nung una e meron na namang bomb scare kaya takot ang mga tao sumakay. Natuwa naman ako kahit pano e di ko na kelangang makipagsikiskan.

Ang aga ko dumating. 6:30 pa lang. Dali dali akong pumasok ng opisina. Kahit may hang over e pinagdasal ko na lang na sana e di ako gano mastress. Pagpasok ko e parang gulat na gulat ang gwardiya. "Ser bat andito kayo?" ang gulat na tanong nya. Ngumiti lang ako at nagdirediretso. Nang nakakasampung tapak pa lang ako mula sa gwardiya, biglang umakyat ang dugo sa ulo ko. Para akong hihimatayin.....

..... Sabado na pala. Walang pasok.

Muntik na kong mag breakdown sa sobrang stress.

22 comments

Monday, December 27, 2010

Si Mac at si Micah

Monday, December 27, 2010
Feeling ko kasi kelangan ko isulat to kaya ako nagawi dito. Namiss ko namang magsulat at mag ubos ng oras para lang magkwento sa inyo na hindi ko lang alam kung talagang binabasa nyo ito.

Isang araw kasi habang nakatambay ako at nagsusunog ng baga (atay na ata yung nasusunog kasi wala na ata akong baga), may napansin ko si Mac na parang masayang masaya. Tinawag ko pa nga sya nun, pero di nya ko pinansin. Nilakasan ko pa nga ang sigaw pero wala, parang nasobrahan sa linis ng tenga at nabasag na ang eardrums. Sinundan ko ng tingin si Mac at dahang dahang pinagmasdan kung ano nga bang nangyayari dito. Hindi mapakali itong si Mac. Parang excited na excited na paikot ikot sa kalsada. Naisip ko, "parang ganito ako nung naloloko pa ko sa mga babae ah" At ayun nga, dahil napilit kong irelate ang sarili ko sa kanya, nagkatotoo nga.

Mula sa di kalayuang mula sa kinatatayuan ni Mac, may lumabas mula sa pintuan ni Mang Ador. May bago palang nakatira sa matandang tindero ng mga gulay. Maputi ito. Mukang hindi marumi. Sya ang tipong siguradong kalolokohan ni Mac. Natawa ako sa sarili ko. Para akong nanonood ng pelikula ni Dolphy at Zsa Zsa. parang gusto ko pa atang kiligin dahil tumatayo ang mga balahibo ko. Napagtanto ko lang na di ako kinikilig sa dalawa, kinikilig ako kasi unti unti nang pumapatak ang wiwi ko sa brief ko.

Anyways, moving on, Dali-daling lumapit itong si Mac sa bagong "border" ni Mang Ador. May dala itong bagay na di ko makita dahil sa likot nitong si Mac. Nakita ko na sinubo nung babae ang dala ni Mac, so inisip ko na lang na kendi o kung ano mang pagkain ang dala nito. Di ko na pinaglaanan ng pansin kung ano man nga iyon dahil nakita kong tila kinikilig din itong pinagbigyan. Aba, magaling dumiskarte itong si Mac. Pogi points agad.

Lumipas ang ilang araw at muli akong napatambay dun kina Mac. Aba, napapadalas na ito kina Mang Ador. Maya maya ay napansin kong parating na si Mang Ador. "Mang Ador, sino yung bagong nakatira sa inyo?" tanong ko, "Ahh yun ba? si Micah yun." sagot ni Mang Ador. Nabanggit ko sa kanya ang pagtambay lagi ni Mac sa kanila. Napakibit balikat na lamang ito at tila nagsalubong ang kilay. Naku, bad shot ata itong si Mac. Paano ba naman, halos 24 hours ata tumatambay tong si Mac doon. Pag nakikita naman si Mang Ador e karipas na ng takbo na parang takot na takot. Sino nga ba matutuwa dun diba?

Kinabukasan, muli na naman akong napatambay. Oo, ako na ang professional.. professional tambay. Aba mukang masayang masaya ang dalawa. Nakikita ko pang naghahabulan, nagsisigawan. Mukang sinagot na si Mac. Ambilis, pero siguro matagal na sila, ngayon ko lang napapansin. Kitang kita mo ang tuwa sa mga mata ni Mac. Nakikita ko na syang nagpapagulong gulong sa kalsada. eto namang si Micah e hindi ko maintindihan at bakit parang tuwang tuwa syang nakikita si Mac na gumugulong gulong. Naisip ko na lang, e ako nga halos sirain ko buhay ko dahil sa pag-ibig, so wala akong karapatang manghusga. Ganyan daw kasi ang pag-ibig. Bubulagin ka sa umpisa tapos gagawin kang retarded sa huli.

Hindi pa nagtatagal ang Precious Hearts love story nila ay napansin kong biglaang bumukas ang pintuan nina Mang Ador. Napansin ko rin na may hawak na itong pamalo. Sumigaw ito na tila may built in na megaphone at minura si Mac. Kitang kita ko ang takot sa mata ni Mac kaya bigla akong napatayo sa kinauupuan ko. Natapunan pa ko ng toyo dahil kumakain ako ng siomai ng mga oras na iyon. Kaya ayon. Basa. Basa ng toyo.

Hindi ko alam kung kelangan ko bang rumesbak at tulungan si Mac. Mukang nagdidilim na kasi talaga ang paningin nitong si Mang Ador. Baka mamaya ay sa akin pa ibaling ang galit. Kasalanan din naman ni Mac, e lintik naman sa ingay. May pagkawar freak pa.

Nung umaga daw kasi, nakita ni Mac na kausap ni Micah ang isa pang "border" ni Mang Ador na si Jojo. May pagkaseloso kasi tong si Mac. Hindi lang basta bakod ang ginagawa nito sa mga babaeng nakakarelasyon nya, Kundi nilalagyan pa 15 feet tall na wall, barb wire sa paligid at meron ding electric fence. Kaya ng makita nyang magkausap ang dalawa e agad agad nitong sinugod si Jojo. Nagsimula ang away nila at nagpagulong gulong sila sa kalsada. Todo sigaw naman si Micah upang pigilan ang mga mapupusok na mga ito. Naglabasan na ang mga tao dahil nga sa ma eskandalong ingay na ginagawa ng away nila. Napigil lamang ang gulo ng lumabas na si Mang Ador at hinabol si Mac. Karipas ng takbo si Mac. Lumingon pa ito kay Jojo na tila sinasabing " Hindi pa tapos ang laban, bukas di ka na sisikatan ng araw". Kaya di ko masisisi kung bakit ganon na lang ang galit ni Mang Ador.

Nagdesisyon akong hayaan na lang tutal mukang nirarayuma na rin itong si Mang Ador at akala mo e pato na itong maglakad. Naisip ko kasi na hindi naman mahahabol nito si Mac. Pwera na lang kung meron syang mga gadgets ni batman. Wala itong kawala.

Tuwing uuwi ako galing Maynila, lagi akong tumatambay malapit kina Mac at pinapanood ko ang umuusbong nilang relasyon. Siguro meron lang bitterness kasi ako e inabot ng ilang dekada bago nakakita ng mamahalin (but that's another issue!). Natutuwa na rin ako kasi kahit papano, masaya na si Mac.

Lumipas ang halos isang Linggo, Naisipan ko ulit tumambay sa favorite kong tambayan. Kamusta na kaya sina Mac at Micah? Parang naexcite ako tulad ng pagkaexcite ko sa pelikula ni Popoy at Basha. Iniisip kong siguro e nakatambay na naman ito kina Mang Ador at paulit ulit na nag iingay doon. Nang nasa ilang metro bago ako makarating sa tambayan ko, napansin kong merong nakatayo sa harap ng bahay nina Mang Ador. Nang mejo malapit na ko (sige na ulit... ako na ang malabo ang mata) napansin kong si Mac. Pero di tulad ng inaasahan ko, parang napakalungkot ng mga muka nya. Parang siya sinandwich ng Langit at Lupa. Sinubukan ko syang tawagin, pero di na sya lumilingon. Ano kaya ang naging problema? LQ kaya? hindi ko kasi nakikita si Micah.

Maya maya, biglang may nagsalita sa likod ko. Muntik ko na maibuhos ang kapeng iniinom ko sa mukha nya. "Pinaalis na kasi ung Micah jan. Hindi na kasi matiis ni Mang Ador kaya pinalayo na ito dito. Alam mo bang 2 araw na sya?" wika ng mama.

Nagulat ako sa narinig ko pero mas nagulat ako kung paano nya nabasa ang naiisip ko. Nag rereading aloud ba ako at kahit nanay ko e maririnig ang sinasabi ko? Sumagi sa isip ko na baka multo yun pero iniba ko na lang iniisip ko. Pero mabalik tayo, nagulat ako sa narinig ko. Broken hearted pala itong si Mac. Walang magawa ito kundi panoorin ang pagbukas ng pituan ni Mang Ador. Nagbabaka sakaling si Micah na ang lumabas. Nakikita ko ring paminsan minsang titingala itong si Mac na tila nagdadasal ng himala. Medyo nalungkot naman ako dun.

Ang sakit isipin na malalayo sa yo ang minamahal mo. Mas masakit kung di mo naman maintindidhan kung bakit kayo pinaglayo, kung bakit kelangang mawala ang minamahal mo. Naniniwala kasi akong ang totoong pag-ibig e minsan lang dumating. Ni hindi pa nga umuusbong yung punla nila e nagkahiwalay na agad.

Ilang araw pa ulit akong dumaan dun pero andun pa rin sya. Gusto ko na syang lapitan at kausapin pero natakot ako na baka hindi ako maintindihan. Pinili ko na lang na tahimik na makiramay sa paghihiwalay nilang dalawa. Gusto ko rin sanang tanungin kung san pinadala si Micah, pero naisip ko na di ako dapat makialam. Wala ako sa lugar at wala akong karapatang manghimasok. Nagdecide ako na mag inom na lang at makiramdam sa mga mangyayari.

Makaraan ang halos 2 linggo pa ulit, napadaan na naman ako sa all time favorite tambayan ko. Hindi ko na nakikita si Mac. Wala na yung masayahing si Mac na walang pakialam kung kukutyain sya ng mga tao sa paligid nya. Wala syang pakialam basta ang alam lang nya ay nagmamahal sya. Nakita ko sa mga mata nya yung sparkle(juice? :D) sa mga mata nito.

Sakto naman habang napatigil ako dahil bumili ng sigarilyo sa tindahan. Sakto, dumaan ang may ari ng bahay na tinitirahan ni Mac. Naitanong ko sa kanya kung asan na si Mac. "Wala na si Mac, binenta ko na kasi parang nasisira na ang ulo at lagi na lang nag iingay. Ilang aso na ang muntik mapatay nyan. Siguro e talagang nainlab dun sa aso ni Mang Ador kaya ayun kesa maluko at mangagat pa e binenta ko na. Ang alam ko e yung si Micah e binenta na rin nung pinagbigyan ni Mang Ador. OK na rin yun atleast tumahimik tong lugar namin at wala nang tahol ng tahol"

Hmmm.... di ko ba nabanggit na mga aso ang kinukwento ko? Mga askals. Mah bad.

Pero in fairness, nakakaawa lang yung nangyari sa kanila. Parang naging against all odds sila, yun nga lang, nauwi sa tragedy ang love story nila. Nakakalungkot isipin na oo, meron ngang nangyaring kakaibang pag-iibigan sa pagitan nina Mac at Micah. Hanggang ngayon iniisip ko sila. Siguro ngayon isa na lang silang asuzena. Pinupulutan ng mga lasing.

Tsk tsk tsk.... Namiss ko bigla si Mac.

0 comments

Sunday, August 15, 2010

Trial and Error

Sunday, August 15, 2010
Naniniwala ba kayo sa soul mate? Naniniwala ba kayong merong isang taong nakatadhanang makakasama mo habambuhay? Totoo bang merong true love na minsan mo lang mararanasan sa buhay mo? Totoo bang pag nahanap mo na ang nararapat sa yo e makakaranas ka ng habambuhay na kaligayan?

Ang masasabi ko lang ay...... kanya kanyang paniniwala lang yan (Kala nyo siguro magsasabi ako ng "Bullshit ndi totoo yan" o kaya "&^&$^%!~@! walang ganyan mga #*()&&*#, muntik na pero never kong gagawin yun hee).

Kung ako kasi tatanungin, hindi ko mapilit ulit ang sarili ko na isiping "Oo, eto ay isang match made in heaven!". Hindi ko mapilit ang sarili ko na totoong merong isang nilalang na nakareserve para sa yo na pag nakita mo e pede mo nang i-take out. Minsan kong pinaniwala ang sarili sa kwento ng mga matatanda tungkol sa soul mates at kung pano ito kusang dumadating. E sa dami ba namang katangahang nangyari sa buhay ko tungkol sa letseng pag ibig na yan, matagal ko na isinuko ang paniniwala tungkol sa ganyan.

E pano ba naman, bigla mong mararanasan yung mga kakaibang settings tungkol sa "soulmate". Yung mga tipong pang pelikula na mayaman ang lalake, mahirap si babae. O di kaya yung tipong biglang nagkita ang lalake at babae sa isang lugar. O di kaya e bumibili ka ng softdrinks sa kanto e biglang makikita mo ang pangarap ng buhay mo. Aakalain mong siya na nga yung nararapat sa yo. Pero malalaman mong di ka nya type, may boyfriend na pala, kamag anak mo pala... yun bang tipong malabo pa sa sabaw ng pusit na maging kayo. Oo naranasan ko lahat yan. Sa kakapilit ko sa utak ko na paniwalaan ang sabi sabi ng matatanda, ayun muntik na ko umiyak habang tumatawa sa isang sulok.

Kung sasabihin naman ng iba na hindi ko pa lang nakikita talaga yung soul mate ko. Kumbaga, yung mga babaeng dumaan sa buhay ko e di totoong soul mate kundi "soul fling" lang. Mas naniniwala kasi ako na ang isang relasyon (lahat ng uri ng relasyon) ay isang trial and error lang. Lahat ng relasyon ay isang trial and error, walang exemption. Mapa artista ka, senador, alien o kahit ano ka pa man, hindi ka sasantuhin.

Naniniwala kasi ako na ang mga dumaan (as in literal na dumaan lang... mga letse...) na babae sa buhay ko e produkto ng method na yun. Tinry namin (OO NA, SIGE AKO LANG ANG NAGTRY) pero hindi nagclick lahat. Parang yung mga materyales na ginamit ko e galing lang sa divisoria. Hindi ko nakuha ang tamang formula parang mabuo yung relasyon. Tingnan mo nga sina Kris at James. Di ba akala ng karamihan e eto na yung tamang lalake para kay Kris. Pero in the end, nagfail pa rin ung relasyon nila.

Kung tatanungin mo naman ako kung ano ba ang tamang formula, hindi ko rin alam. Mahirap din masabi kung tama nga ba ang blending kahit umabot na ng lagpas 10 years ang relasyon. Yan ang mahirap pag ginagawa mo ang method na yan; araw araw nyong gagawin ang trial and error. Araw araw nyo tetestingin ang relasyon nyo.

Pero bumibilib ako dun sa mga taong pilit tinatama ang relasyon kahit sobrang sira na. Yun bang tipong pilit ineedit yung formula para tumama. Yun tipong try and try pa rin kahit lagpas langit na ang error. Kung ihahambing sila sa isang classroom, sila yung mga tipong kahit di matatalino e pilit pa ring nagrereview para lang makapasa.

Hindi rin ako naniniwalang minsan ka lang iibig ng tunay sa buhay mo. Bakit naman sina Dolphy at Ramon Revilla, wag mo sabihin sa king minsan lang silang nagmahal ng tunay? Naniniwala naman ako na minahal nila ang mga naging babae nila. Hindi mo naman masusukat ang pagmamahal. Hindi mo pwedeng basta na lang sabihing "Ah si Lucring? 40% ko lang yan minahal". Ang ginagawa kasi ng mga taong sukatan e kung ilang beses sila nag away kumpara sa dati nyang babae. O kung sino ang mas palengkera e yun ang less love mo. Sa totoo lang lahat ng minahal mo sa buhay, lahat yan tunay. Iba iba nga lang ang paraan mo ng pagmamahal sa taong yun.

Kaya kayo, wag nyo nang isipin kung bagay ba kayo o hindi. Try and try lang. Wala namang mawawla kung mag tatrial and error ka tulad ng mga matatapang na taong nagmamahal sa buong mundo. Malay mo isang araw makakita ka ng tamang formula tulad ko.



.....yiheiiiiii TULAD KO!!! hehe

1 comments

Friday, June 25, 2010

Average Joe

Friday, June 25, 2010
normal adj. 1 ang mga regular na, average, dati,
run-of-the-mill, ordinaryo, unibersal, pangkalahatan, karaniwan,
tipikal, ayos lang

Average.... ordinaryo.... karaniwan....

Marami sa tin na ganito ang description sa halos lahat na bagay. Kapag tinanong mo kung maganda ang pelikula, ang karaniwang sagot ay " ayos lang.." Kapag tinanong kung madali ba ang exam, ang sagot ay "ayus lang". Pag tinanong ka kung pogi ang boylet ni babae ang sagot e "Mabait" (Although malayo sa normal ung sagot, pero yun kasi lagi ang ordinaryong sagot ng mga tao).

Ganyan tayo. Ganyan ako. Isang normal na tao na may normal na buhay na may normal na pamilya na may normal na pangarap. Wala ka itulak kabigin sa kin. Isa akong napaaaaaaka normal na tao...

Na sa sobrang normal e nakakainis na....

Hindi kasi ako katulad nina John Lloyd na gwapo. Hindi kasing macho ni Derek Ramsay (Lamang lang sya ng mga.... 30 paligo). Di rin ako kasing galing kumanta tulad ni Jovit ng Pilipinas Got Talent. Hindi rin ako kasing galing ni Caguioa sa basketball. In short... wala akong talent. Kumbaga, isa akong jack of all trades... pero master of none. Pero diba atleast nagagawa mo ang maraming bagay. Yun nga lang, wala kang fans kasi NORMAL ka lang. Hindi nag eexcel, hindi nag sstand out.

Bata pa lang ako alam kong nakasulat na sa gulong ng palad na magiging isang saling pusa ako sa buhay. Nung elementary ako, out of 30, pang 20 ako. Nung highschool, out of 42 pang 31 ako. Nung college ako, hindi ko na nabilang kasi marami kami, pero nasa bandang gitna ako. Aba... nung nagkatrabaho ako, nung nakita ko ang ranking ng performance namin, out of 52, pang 27 ako. Oh diba? San ka pa? Nung nagtapon ng katalinuhan, kagandahan at lahat ng kung ano ano pang maganda e parang half sleep ata ako.

Di ko nga alam bat ganito ang naging buhay ko. Dati lagi ko sinasabi na magiging presidente ako ng Pilipinas. Eh pano ako magiging presidente e kahit man lang escort sa class officer e hindi ako makuha? Napakaplain, napakasimple. Wala akong katangian na mapapa WOW ang mga tao. Kahit nga sa pagsusulat, masasabi ko pa ring average lang din ako. Hindi ako makapagsulat ng english kasi inaabot ako ng isang oras para lang maisulat ang gusto ko sabihin. Pag tagalog naman, puro ka jejehan ang nasusulat ko sa katamaran ko magtype. Pano ba aaasenso ang mga taong average lang? Wala. Mag uubos ka ng 12 oras sa trabaho mo e kulang pa rin ang sasahurin mo.

Yan naman ang realidad ng buhay e. Mga matatalent, winner. Mga average, Loser. Kahit sa larangan ng pag ibig e. Ano pipiliin mo? Yung gwapo o yung normal lang (like, mabait?). Wag impokrito syempre mas mapapa first look ka sa may itsura at hindi sa hitsura pa.

Naalala ko tuloy nung high school student pa ko. Gusto ko maging js king. E kaso wala e. Kahit anong plastic surgery ata ang gawin ko sa mukha e wala talaga. In the end, ni isang babae e wala ako naisayaw. It hurts diba? /Wrist.

Pero in fairness naman, may mga advantages din naman ang pagiging plain or normal e. Hindi ka mahoholdap kasi iisipin nila wala ka namang pera. Hindi ka makukuyog ng mga tao, kasi hindi ka naman pansinin. Bago ka pag isipan ng masama ng mga tao, yun munang mga mukang halang ang bituka ang iinvestigahan. Hindi ka mapapagod pag may liga kayo kasi hindi ka na mapapansin ng coach mo para paglaruin ka. Pwede ka rin magkasyota, yun e kung totoong merong taong naghahanap ng "simpleng" magiging kapartner (Kung meron man, takte, jackpot yun pre). Oh diba napakarami?

Ikaw? Gusto mo bang maging average joe lang? Gusto mo bang matulad sa kin na parang hatsing lang na pagkatapos kang i hatsing e pupunasan ka lang ng tissue? Ayaw mo? Pwes simulan mo nang magka ADHD at magpakabibo. Sumisip sa Boss at gawin ang lahat para mag stand out.

At habang ginagawa mo yan, nawa e hindi ka patulan ng mga tao sa paligid sa pagiging pampam. Ayt~

0 comments

Friday, June 18, 2010

Nang Matutong Manligaw si Eba

Friday, June 18, 2010
Reporter: Kung ikaw ay prutas ano ka at bakit?
Malungkutin: Manga! Kasi parang manga, seasonal lang din ako... seasonal magsulat.

Ahihihihihi.....

Uu korni, alam ko na yan at wala ako pakialam. Lumipas ang ilang buwan, ngayon ko lang ulit ito nabisita. Nagdaan na ang mga bagyo, ang nuknukan ng init na summer, ang "automated" daw na eleksyon at ang paghihiwalay nina Zanjoe at Mariel, ngayon ko lang naisip na aba, meron nga pala akong hobby nung panahon ni kopong kopong.

Napaisip lang kasi ako. Talaga bang mahirap magtapat ng pag-ibig? Ako kasi bias, magiging malungkutin ba ako kung ganun lang kadali yun. E bakit yung iba, nagkakasyota ng sandamakmak? Yung tipong buhok sa ulo ang ginagamit na pambilang ng mga gelpren. Life is unfair talaga.

Pero pano naman kung babae ang gustong magtapat? Keribels lang ba ito?

Sa panahon na ito kasi di na uso ang Maria Clara. Yung mga manang ngayon e nagiging tagapag alaga na lang ng mga pamangkin o minsan e apo sa kapatid. Wala na tayo sa panahon na kelangan ang lalake ang mag da moves. Wala na rin yung tipong mambubulahaw ka para lang mangharana. Kung meron mang mga lalakeng dinadaan sa kanta ang panliligaw, ang paborito ng mga kabataang lalakeng panligaw e S2pid Luv. O aminin, maraming jejemon at mga batang nakapatong lang sa ulo ang cap. Pero no offense sa mga ganun pumorma, pero karamihan e ganun ang style talaga.

Pano nga ba tatanggapin ng mga lalake ang panliligaw or pag amin ng isang babae sa nararamdaman nya? Meron pa bang martir ngayon at sasabhing "Eww... Turn off naman nanliligaw sa lalake... ewwww"? Hindi ba mas tataas pa nga dapat ang pogi points mo to the highest level pag napunta ka sa ganitong sitwasyon? E ano nga ba ang mapapatunayan mo kung ligawan ka man ng babae? Pride? Susme, ang mga mapapride ngayon e binabaril na sa Luneta.

Kung mga matatanda naman ang tatanungin mo, siguradong isang malaking "X" ang ibibigay sa yo (bilang babae). Katakot takot na flashback ang ipamumuka sa yo kung pano niligawan sya ng lolo mo at kung bakit dapat e mag ala Maria Clara ka. Baka nga tanungin ka pa kung nahawakan na ba ang kamay mo at sampalin ka na lang habang sinasabing "ILANG BUWAN NA ANG LAMAN NG CHAN MO??!?!?" Minsan nga natatawa na lang ako. Bakit ang laki ng pagkakaiba ng noon at ngayon. Kibit balikat na lang ako. Ayoko naman din mamuhay sa panahon ng hapon.

Pero ako sa totoo lang, taas kamay ako sa mga babaeng nagagawa ang mga ganitong bagay. Ika nga e No guts! No glory! Kung kaya mong sumakay sa rumaragasang ilog kahit na alam mong kahit anong oras e pwede kang mahulog o mauntog sa mga bato, go lang. Basta wag ka lang aaray kapag nakita mong tatamaan ka na pero di ka pa rin umilag. Hindi ko kasi alam ang pakiramdam ng babae pag nababasted kaya wala ako sa lugar para sabhing "Madami pang lalake jan".

Kasi naman kayong mga babae, kung san san pa kayo tumitingin e andito lang naman ako. Alam ko ang pakiramdam ng nababasted kaya di ko na kayo babasted-in.....

.......tAAAma!

0 comments